Hanggang Wakas
Habag ang unang naramdaman ni Clarita nang tumambad sa kanyang paningin ang buto’t balat na katawan ni Mindang nakalatag sa kama. May nakasulot sa ilong at kaliwang bisig na maliit na tubong daanan ng likidong gamot at pagkain. Kulay abo na ang balat ng pasyente. Ang walang buhay na mga ay mata ay ginitian ng luha pagkakita sa kanya. Namukhaan siya marahil na dating matalik na kaibigan ng nakakatandang kapatid nitong si Myrna sa Filipinas.
Subalit ang habag ay nauwi sa galit nang magtapat na ang babae matapos ang kumustahan at pagpapaalala sa mga araw nila ng kaibigang si Myrna. Si Minda pala ay may iniwang anak sa pagkadalaga. Ipinarehistrong anak ni Myrna. Nang makarating ng Australia si Minda at magkaasawa ng isang citizen ay ayaw nang ibigay ni Myrna ang bata.
Suportado ni Minda ang anak na si Daniel. Sa laki ng regular niyang pagpapadala kayang sustentuhan ang buong pamilya ni Myrnang may dalawang anak. Pagtapos naman ng kolehiyo ni Daniel at magkatrabaho ay nag-asawa agad. Meron na siyang isang apo kay Daniel.
Si Myrna ang laging kausap ni Minda sa telepono. Sa halip na isipin ni Mindang gumaling agad at magpalakas ay iniisip pa rin nito ang daing ni Myrna. Wala silang pamasko at handa sa Noche Buena.
Maliit lamang ang suweldo ni Daniel at siksikan silang dalawang pamilya sa bahay na unti-unting naipatayo ni Myrna. Galing marahil sa malaking sustento ni Myrna sa anak na hindi siya nakikilalang ina.
Nakikiusap si Minda na pag-uwi ni Clarita sa Filipinas sa isang buwan ay iabot ang sobre sa apo. Kabilinbilinang huwag nang paraanin kay Myrna. Ang una at huli na marahil aginaldo sa apo ng isang hindi nakikilalang Lola.
Enero 2010
Isang Araw, Dalawang May Kaarawan
Iisang petsa ng buwan at araw, 80 taon ang pagitan; isang sanggol na babae at isang sanggol na lalaki ang isinilang. Ikaapat na henerasyon ng pamilya ang bata. Pagkaraan ng limang taon, sabay ipinagdiwang ng maglola ang kanilang kaarawan.
Sa likod-bahay nagkakatuwaan ang mga bata sa pagtatalunan sa jumping castle. Pinag-uusapan ng mga nakabantay na magulang ang tungkol sa pag-aaral ng kani-kanilang mga anak, mga kapilyuhan, mga balak, pangarap, at kung anu-ano pa tungkol sa pamilya.
Sa harapang beranda ng bahay ay nagsisigawan sa pakikipagkuwentuhan ang apat na babae sa lolang may kaarawan. Mahina na ang pandinig ni Lola Nene. Mukhang aliw na aliw naman sa pagsagot sa mga tanong ng kausap tungkol sa kanyang kabataan. Ang masayang paulit-ulit na kuwento ni Lola Nene ay naging mainit. Hindi yata nagustuhan ang pagtatanong at suwestyon ng nakababatang pinsang si Lola Mila.
Waring ipinagmamalaki ni Lola Mila sa mga kaharap na nakabayad na siya ng kanyang paglilibingan. Ataol na lang ang kanya ngayong binabayaran. Direkta raw namang inaalis sa kanyang pension ang buwanang hulog. Maganda rin ang katwiran. Para wala nang problema ang kanyang mga maiiwan pagdating ng kanyang takdang araw.
Tumaas at lalong lumakas ang boses ni Lola Nene nang tanungin ng kanyang pinsan kung siya ay meron na ring gayong paghahanda. Lalong lumakas at tumaas nang dugtungan pa ng tanong kung saan niya dinadala ang kanyang pension. Wala na naman siyang ibang ginagastusan.
Deklara ni Lola Nene, “Mga lintik sila! Pito silang inianak ko at pinalaki at pinag-aral. Ako pa rin ba ang magpapalibing sa sarili ko? Itapon na lang nila ako sa ilog! Tumaba pa ang mga isda. Pati pension ko ibinibigay ko rin sa kanila pag nakita kong walang laman ang pridyider nila. Ngayon nga, binigyan ko sila ng pera pambili ng pansit ngayong birtdey ko. Mga lintik sila! Pito silang inianak ko. Pinalaki at pinag-aral. Pati ba pampalibing sa sarili ko, ako pa? Itapon na lang nila ako sa ilog! Tumaba pa ang mga isda. Mga lintik sila. . .”
Napilitang magpaalam pauwi si Lola Mila nang wala sa oras. Habol siya ng malakas na boses ni Lola Nene. “Mga lintik sila! Pati ba pagpapalibing sa sarili ko, ako pa? Itapon na lang nila ako sa ilog. Tumaba pa ang mga isda…”
December 2009
- A E I O U –
Sa Facebook ni Ida ay tumugon ang isang nagpakilalang Tanya Sullera Rides na ka-graduate niya sa haiskul noong 1973. Pamilyar na apelyido ang Sullera sa kanilang bayan pero wala siyang natatandaang Tanya. Nakilala lamang niya si Tanya nang sabihing siya si Antonia. Karugtong ang detalyadong pagkakakilala sa kanya. Na siya, si Ida, ay anak ni Mang Iciong tsuper ng dyip sa kanilang nayon. Na ang dyip nitong kulay berde ay may pangalang nakasulat sa harap na AEIOU. Isinasakay raw sila ni Mang Icio kapag nararaanang naglalakad noong elementary pa. Kahit nakatayo lang kapag walang bakanteng upuan. Tumatanggi raw sila at sinasabing walang pambayad. Libre daw ang sakay basta upahan lang sila ng isang kanta. Nagmamadali raw naman silang sasakay kasunod ng pagkanta hanggang sila ay makababa.
Malabo na sa gunita ni Ida ang berdeng dyip na may nakasulat na AEIOU. Ngayon lamang niya nalamang may naiwan gunita pala iyong sa isang batang Tanyang makikita niya sa nalalapit na high school class reunion pagkaraan ng 36 na taon.
At ngayon din lamang niya nalaman buhat sa kanyang Ate ang istorya ng nagkakalagay at pagkakatanggal ng AEIOU sa harapan ng berdeng dyip.
Maliit pa raw si Ida noon para matandaan. Umuwi ang kanilang ama isang hapong bumabagyo. Basag ang harapan ng salamin ng sasakyan. Dimamba raw ng isang mabilis na kabayo sa isang makipot na salubungan sa daan. Mabuti na lang daw at walang nasaktan. Binigyan naman ng singkuwenta pesos yata ng mangangabayo ang kanilang ama para palitan ang salamin.
Mahilig sa mga karunungang lihim ang kanilang ama. Mabisa raw orasyon laban sa panganib, aksidente at masasamang ispiritu ang AEIOU. Pati raw sa mangkukulam na marami sa kanilang lugar. Kaya itinuro rin sa kanila para usalin ang AEIOU lalo na kung nakakaramdam ng takot. Stainless steel pa ang ipinasadyang letra ng kanilang ama para iturnilyo sa harapan ng dyip. Natanggal lamang iyon nang makatapos ng haiskul ang kanyang Kuya. Walang ipagpaaral at wala ring trabaho kaya tinuruang magmaneho ng dyip. Ang kaso ayaw imaneho ang dyip kahit marunong na dahil ikinahihiya ang nakasulat na AEIOU. Tinutukso raw siya.
Iyon din ang dyip na itinatakas ng kanyang Ate para magsanay magmaneho habang natutulog kung tanghali ang ama. Minsan nga ay umuwi itong naglalakad dahil natambog ang dyip sa kanal. Doon din natutong magmaneho ang dalawa pang kapatid na lalaki.
Kinain ng bakal ang berdeng dyip na dating may pangalang AEIOU. Nagretiro sa pagiging tsuper ang kanilang ama bago namayapa sa idad na 84. At nakakatuwang malamang may naiwan palang gunita iyon sa isang batang naging Tanya Sullera Rides na ang ipinamasahe ay isang kanta.
November 2009
Alin Ang Bayan Ko?
Bukod sa paghahanap ng trabaho, unang kinainipan ng mag-anak na Moreno ay ang maging Australian citizen. Gusto nilang makapamasyal. At mas madaling kumuha ng visa sa ibang bansa ang isang may Australian passport. Kung minsan nga ay may mga bansang hindi na kailangan ang visa para mamasyal sila. Mahirap mangyari para sa isang Philippine passport ang hawak.
Nakamit nilang lahat ang pinangarap sa Australia. Natapos sa kolehiyo ang tatlong anak. May magandang trabaho silang lahat. Madali silang nakabili (o nakautang) ng bahay. Naipaayos ang dating lumang bahay na tinutuluyan nila tuwing magbabakasyon sa Filipinas. Nakapagtayo rin sila ng paupahang limang pintong apartment sa pamanang lote ng mga magulang. Ang lahat ng iyon ay nangyari sa loob ng dalawampung taon. Sa loob din ng panahong yaon ay hindi namatay ang pagmimithing balang araw ay muli silang maninirahan sa bayang sinilangan.
Nang huli silang magbakasyon sa Filipinas ay may nag-alok sa kanila ng bahay. Bagsak ang negosyo ng may-ari kaya ibinebenta upang bumili na lang ng mas maliit. Limang milyong piso ang unang gustong presyo pero walang makabili nang cash. Nasanla nang magkaroon ng mabigat na sakit ang mag-asawa. Kaysa maremata sa papalaking tubo, ibinagsak na ang presyo basta lang cash. Noon naisipan ng mag-asawang Moreno ang mag-dual citizen. Madali naman nilang nagawa. Napapayag pa ang nagbebenta ng bahay na bigyan lamang sila muna ng paunang bayad na dalawang milyon. Ang natitirang isa’t kalahating milyong piso ay ibibigay sa loob ng isang taon. Kahit sino ang magsabi ay talagang napakamura ng bahay na iyon.Paghahanda na rin marahil sa pag-uwi ng mag-asawa sa Filipinas “for good”. Natuluyang magbitiw sa trabaho si Lalake dahil sa madalas na pagkakasakit. Wala namang makita ang doctor na dahilan ng mga idinadaeng. Baka raw stress at kailangan ang bakasyon. Si Babae ay ayaw nang magtrabaho at baka kung magtatagal pa raw siya sa trabaho ay tuluyan nang hindi makalakad sa pananakit ng mga tuhod at paa. E, ang hilig pa naman niya ay mamasyal at magsayaw. Hindi naman daw niya kailangang magpakahirap sa kakakahig ng $A. May bahay sila sa Filipinas at tama na sa kanila ang kita ng mga apartment. Wala na silang pinag-aaral at hindi naman sila maluho sa buhay.
Sa madaling-sabi, matapos mabayaran ang Pph3.5 milyong bahay at magbitiw sa trabaho; umuwi ng Filipinas ang mag-asawang Moreno. Bahala na ang tatlong anak sa natitira pa nilang utang sa bahay sa Australia. Tutal, ang nakolekta nila sa superannuation ay ibinayad na rin nila sa naturang utang. May mga trabaho ang mga anak na binata pa at disiplinado naman. Padalaw-dalaw na lang sila sa isa’t isa ang napagkasunduan.
Masaya ang mga unang linggo ng pagbabalik nang pirmihan sa sariling bayan. Sabik sa mga kaanak, kamag-anak at dating kaibigan. Panatag na kalooban. Subalit nagsimula silang mag-isip nang mag-umpisa nang magpupunta sa doctor at ospital si Lalake. Kabilis ang pagbuhos ng kanilang piso. Sa Australia libreng lahat ang karamihan sa mga consultation, laboratory test at ospital. Kaliit pa ng bayad sa mga resetang gamot ng tulad nilang may pharmaceutical allowance.
Sila ay nangamba. Ang puso nila ay nasa Filipinas. Subalit kailangan ng kanilang katawan ang Australia. At sa sarili, sila ay nagtanong. “Alin ba talaga ang bayan ko?”
October 2009
Floriade 2009
Floriade ang pinakamalaking flower festival sa Australia na ginaganap sa Canberra tuwing spring. Apat na oras na biyahe sa pamamagitan ng tren mula sa Sydney.
Tatlo silang “pensionadong bulaklak” na orihinal na nagplano ng lakad papunta sa Floriade. Ang kanilang layunin ay hindi naman para makakita lamang ng mga bulaklak- sawa na sila roon- kundi upang malibang o aliwin ang isa sa kanilang katatapos pa lamang makipagdiborsyo, si Rina. Ang kaso ang gustong malibang ay biglang umatras. May mas mahalagang dapat gawin sa araw na kanilang itinakda.
May apat na libreng biyahe taun-taon ang pensioner sa countrylink train. At ayos na ang booking para sa kanilang package tour sa araw na iyon. Sa panghihinayang na mawala na naman ang pagkakataong iyon para sa kasalukuyang taon, naghigilap sila ng iba pang makakabarkada. Tuloy ang lakad. Kasama na rin ang inis doon. Dahil kaya lamang sila nagbalak mamasyal ay para pagbigyan si Rina na hindi pa nakakarating ng Canberra mula nang dumating ng Australia may labinlimang taon na ang nakakaraan.
Exclusive ladies day out sana. Kaya lang ang nahatak nilang kabarda, si Mely, ay gustong magsama ng asawa. Matagal na raw sinasabi nitong gustong makita ang Floriade bago man lang mamatay dahil 80 taon na. Hindi nga lang sila makapunta dahil hindi alam kung paano at takot lumakad nang sila lamang. Isa pa rin si Mely na wala pang napapasyalan sa labas ng Sydney gayong may labinlimang taon na rin sa Australia. Ang nangyari tuloy ay tatlong pares silang “pensyonadong bulaklak at paru-parong” nagpunta sa Floriade.
Ang mag-asawang Mely at Pavaroti ang excited sa lakad. Italiano kasi kaya Pavaroti kung panganlan ng mga kabarkadang Filipino. Pagitan ng 6:00 at 6:10 ng umaga sa istasyon ng Lidcombe ang tipanan namin ni Mely para pumunta sa istasyon ng Strathfield kung saan hihinto ang tren papuntang Canberra. Doon naghihintay sina Flora at Strawberry. Galing sila sa Seven Hills. Si John ang Strawberry dahil korteng strawberry ang katawan.
Mabuti na lamang at may mobile phone na ngayon kaya madali ang maghanapan. 6:15 ay tumatawag na si Mely dahil wala pa kami. Limang minuto pa at naryan na, sagot ko.
Mabagal kasi itong kasama ko. May binalikan na namang nakalimutan sa loob ng bahay matapos maisara ang pinto at maikandado ang gate.
Tatlong minuto na lang at darating na ang tren patungong Strathfield. Nasaan si Mely? Nasa Platform 3 pala, samantalang Platform 1 hihinto ang tren. Kabilis pa pala namang umakyat-bumaba ng hagdan si Pavaroti para lumipat ng platform. Hindi na ginamit ang lift.
Strathfield station: naghahanap na si Flora. Pumunta raw kami sa Platform 3. Wala naman sila roon. Kinabahan ako. Baka ibang istasyon ang sinasabi niya. Mabuti na lang at nasa toilet lang sila. Ganoon daw si Strawberry. Madalas sa toilet. Nagkausisaan, hindi nakainom ang dapat uminom ng gamot bago umalis. Wala ring baon. Biruan pa, hindi naman kayo siguro mamatay kung isang araw lang na papalya sa gamot.
Ang apat na oras sa tren ay hindi naman nakakainip. Binusog namin ang mata sa mga nadaraanang tanawin. Gayundin ang tiyan sa dami ng baon naming pagkain. Sa pagitan ng mga iyon ay nagbabasa si Flora habang nakadukdok ang natutulog na katabing si Strawberry. Naghihilik naman si Mely habang nagsasalita nang walang tigil si Pavaroti. Pinipilit kong pakinggan at unawain ang mahirap niyang English. Malabo. Parang maraming reklamo kay Mely. Iyon nga ang reklamo ni Mely sa asawa. Makulit, mayabang at magagalitin. Minumura na lang daw niya sa Tagalog para makaganti. Tutal, hindi naman siya naiintindihan.
Sa kabuuan ay ayos naman ang lakad at pasyal para sa mababagal nang maglakad at madaling mapagod. Ang huling drama ay nang pauwi na. Pagbaba sa istasyon ng Strathfield, nawala si Pavaroti. Katulin daw. Sabi ni Mely. “ Ganyan ‘yan kung alam na n’ya kung saan pupunta. Nagmamagaling. Iniiwan ko naman. Umuwi s’yang mag-isa”.
Sumakay na kami sa humintong treng hihinto sa babaan naming Lidcombe ni Mely at Seven Hills na babaan naman nina Flora at Strawberry. Malamang na nasa kabilang platform si Pavaroti na hihinto rin sa Lidcombe pero hindi sa Seven Hills pagkaraan ng dalawa pang minuto.
Ang ilang senyor at senyora nga naman . . .
September 2009
Cambodian Girl
Siya si Ming. Maraming tanong. Makuwento kahit pabalu-baluktot ang pagsasalita sa English. Kumukuha siya ng kursong sa English ang lenguwahe.
Grade four daw siya nang tumakas ang buo niyang pamilya patungong Vietnam. Noon ay panahon ng rehemeng Potpot sa Cambodia. Nahinto ang kanyang pag-aaral. Walang paaralan sa refugee camp nila sa Vietnam. Pagkaraan ng tatlong taon ay pinayagan na raw makabalik sa Cambodia ang mga lumikas sa kaguluhan. Sinabayan daw naman iyon ni Ming ng pagtakas sa pamilya at paglalayas. Ayaw na niyang balikan ang hirap sa Cambodia. Inampon siya ng isang Vietnamese na nagsama naman sa kanya sa Australia.
Mula sa pagiging Buddhist, gustong maging Catholic ni Ming. Kaya nagsasama siya sa simbahan ng mga Catolikong Vietnamese.
Natutunan niya ang pagsasalita ng Vietnamese. Ngayong isa na rin siyang Catholic, gusto naman daw niyang matutong mabuti ng English. Nais niya kasing maging volunteer sa pagtuturo ng SRE (Special Religious Education), Catechism sa madaling salita. Kaya kumukuha siya ng kursong kasangkapan niya sa ikatutupad ng hangaring yaon.
Pansamantalang katulong si Ming ni Teresa sa pagtuturo ng SRE sa pampublikong paaralan. Kailangan pa niyang matapos ang tatlong kurso: basic, intermediate at advance accreditation courses para sa pagtuturo ng SRE. Bukod sa malaking paghahangad, isa pa ring matinding kaway at hamon para sa kanya ang magturo ng religion sa isang kumunidad na kailangan ang suporta sa pamilya tungkol sa pananampalataya. Isa ring inspirasyon ni Ming sa kanyang hangaring magturo ng SRE si Teresa.
Si Teresa na nang nasa sinapupunan pa lamang ng ina ay iminungkahi na ng doctor na ipalaglag sa dahilang hindi mabubuhay nang normal. Hindi iyon sinunod ng mga magulang ni Teresa sa paniniwalang isa itong malaking kasalanan. Dalaga pa si Teresa sa idad na lampas tatlumpu. Maraming bata ang nawiwili sa pagtuturo nito ng pag-ibig sa Diyos at kapwa. Malayo pa lamang ay makikilala na agad si Teresa dahil sa paglalakad na parang tagilid ang lupa. Para rin itong may malaking balutang nakakarga sa likod.
Ito lang kaya ang sinasabi ng doctor noon na hindi mabubuhay nang normal si Teresa at kailangan ang tulong ng isang matapang sa buhay na Cambodian Girl na katulad ni Ming?
August 2009
Afghan Woman
Unit 7/12 Harry Rd, Auburn. Bago at tiyak na mahal ang renta sa naturang gusali ng tatlong palapag na apartment. Malapit sa istasyon ng tren at shopping centre. Limang minutong lakarin mula sa istasyon ang naturang address. (Pribado kaya o ari rin ng gobyerno ang gusaling ito?) Tirahan ito ng isang babaing bagong migrante. Si Bibi Siba Ahmeer, 29 na taong gulang, may isang anak na babaeng dalawang taong gulang, ipinanganak sa Afghanistan, at Dari ang lenguwahe. Hindi nakapag-aral at zero ang level ng pagsasalita, pagbasa at pagsulat sa English. Ang sadya ni Mina, bilang isang volunteer ng Mission Australia Home Tutoring Scheme Program ay turuan ng English si Bibi Siba. Isa hanggang isang oras at kalahati, minsan sa isang linggo sa araw at oras na kanilang mapagkasunduan ang tutoring session.
Sa unang araw ay sinuri ni Mina si Bibi Siba kung saan sisimulan ang pagtuturo. Ayon sa asawang magaling mag-English ay nagamit na ni Bibi Siba ang libreng 500 oras sa mga bagong migrante para mag-aral ng English sa nakatakdang paaralan. Sa pagsusuri ni Mina ang natutuhan lang ni Bibi Siba ay kilalanin ang mga letra at numero; sagutin at isulat ang pangalan at tirahan; at gantihan ang karaniwang pagbating ginagawa maya’t maya o araw-araw. Maganda ang sulat na palimbag. Pero hindi nito kayang pagsama-samahin ang mga letra para makabuo ng salita. Sa halip na basahin ang isang salita ay isa-isang sinasabi ang titik. Hindi rin nito kayang isulat o basahin ang sariling lenguwaheng Dari. Dahil hindi nga pinag-aral, tulad ng napakaraming babae sa kanilang bansa. Matinding habag ang nadama ni Mina. Paano na ito makikipamuhay sa lipunang Australia kung mananatiling gayon?
Isang linggong gawain ang iniwan ni Mina. Sampung solo at dalawahing pantig na salita; sampung nakalarawang pangalan sa iniwan niyang aklat na pangkindergarten; at limang pangungusap na gamit ang naturang mga salita. Limang ulit na isusulat sa isang notebook ang mga iyon para matutunang basahin at isulat. Isang oras sa isang araw ang ibubuhos ni Mina sa mga iyon.
Nagawa naman ni Bibi Siba ang takdang aralin. Mabilis ang sunud-sunod na pagbasa sa mga isinulat. Nang pagsalit-salitin na ni Mina ang pagpapabasa o pagpapasulat nang walang tingin ay hindi na magawa. Ang asawang nakababad sa computer nang datnan ni Mina at mukhang nakikiramdam sa kanilang ginagawa ay bumaling kay Bibi Siba. Nag-usap sa kanilang lenguwahe nang mukhang nagkakagalit. Nasabi tuloy ni Minang malaki ang maitutulong ng asawa dahil magaling mag-English. Sumama ang mukha ni Bibi Siba. Naintindihan niya iyon. Talagang mahirap magturuan ang mag-asawa lalo’t walang tiyaga at maiksi ang pasensya.
Pagkaraan ng anim na session ay gusto nang sumuko ni Mina. Nagamit na niya ang teknik kung paano siya natutong bumasa ng English sa aklat na “Pepe and Pilar”; kung paano niya natulungang bumasa ng Filipino ang mga anak sa pamamagitan ng “ba be bi bo bu … ; at kung paano niya nakitang tinuruan ang mga apo sa teknik na ang letra ay itinuturong kaugnay at kasabay ng tunog o bigkas. Nagtatawa tuloy sa kanila ang anak ni Bibi Sibang nanunuod at nakikigulo sa kanilang pagtuturuan.
Naisip ni Mina, kung hindi siya mauubusan ng tiyaga, pasensya, awa, at oras ay una pang matututo ang naturang bata.
June 2009
Ang Batang Iyon
Taimtim ang iyong pagkakaupo sa tipak ng bato sa ilalim ng punong sampalok. Magkasalikop ang iyong mga kamay sa pagitan ng dalawang tuhod. Nakapikit. Sa pakiramdam mo’y mga mumunting anghel ang naglawit na malalaking duklay na bunga ng sampalok. At musika sa iyong pandinig ang huni ng mga pipit sa itaas. Hanggang sa iyong marinig ang maliliit na yabag na habang papalapit ay naging mabilis na takbo. Ang magkaduop mong mga kamay ay bumukas na mga bisig pasalubong sa hinihintay. Yumakap ka at nakiiyak sa batang iyon. Ang batang lagi mong katipan sa pook na iyong inyong tagpuan.
Hinintay mong ang hagulgol nito ay maging hikbi at magsimula na sa pauntul-untol na pagsusumbong. Isusumbong ba nito ang hindi pinatulang paglulupasay sa gilid ng daan dahil sa hindi naibili ng lobo? O ang paghahatid ng pamalong ruler sa puwit para lang pumasok sa iskuwela? O ang pagkapahiya nang matuklasang siya pala ang nang-uumit ng pera sa bag ng kanyang ina? O ang takot nang ikulong sa banyo dahil ayaw kainin ang nakahaing mga gulay? Ang pagmamaktol ba dahil sa pinagkaiiitan na namang damit ang suot samantalang ang nakakatandang kapatid ay palaging bago?
At muli kang makikiisa sa nararamdamang lungkot at galit at pagkapahiya ng batang iyon.
Subalit nagulat ka nang biglang kumawala sa iyong yakap ang batang iyon pagkatapos ng paghikbi. Kasabay ng takbong palayo ang sigaw,” Maghihilom din ang mga sugat ko! Magbabagong-anyo! At makakalaya. . !”
Naging madalas at matagal ang pakikipagtagpo mo sa batang iyon sa tipak ng bato. Sa ilalim ng punong sampalok na waring mumunting anghel ang duklay na mga bunga. Na ang huni ng mga pipit ay musika sa iyong pandinig.
Ang galit, takot at iyaking bata ay naging maharot, masaya at malambing. Pinapanuod mo ang pag-akyat nito sa punong sampalok. Ang pag-inda-indayog sa makunat nitong sanga habang namimitas ng malasebong bunga. Pati pangunguha ng mga bayabas, atis, kaymito at abokado kung napapanahon. Sinasamahan mo sa paluksu-luksong pagtunton sa mga pilapil para mamingwit ng palaka kung mataas na ang palay. Ang pag-akyat sa mandala ng giniikan kahit mangati ang buong katawan. Nakikisabay ka sa mabilis na paglalakad patungo sa bahay ng kanyang Impong Gare para magbasa ng komiks. Nakikisayaw sa unang pagdalo nito sa birthday party ng kaibigan. At ang inyong walang-kamalayang mga halakhak ay umaalingawngaw sa panghuhuli ng mga tutubi at paru-paro sa parang kung buwan ng Setyembre.
Bata pa rin sa iyong paningin ang mukha ng batang iyon pagkaraan ng limampung taon. Marami lang natatagong pilat sa dibdib. Madalas pa ring umiyak. Subalit nabihisan na, hindi ng bagong damit, kundi ng anyo ng bago at malawak na pananaw.
Ang batang iyon ay ikaw. . .
Mayo 2009
Sino Ako?
“Ano’ng gusto mo paglaki mo? Doctor paris ni Tita? Abogadong paris ni Daddy? O titser tulad ni Mummy?
Matagal bago nakasagot ang anim na taong bata, “I just want to be Me!”
Gusto ko lang maging si Ako. Sagot-bata. Pero paano isasagawa habang tumatanda?
Madalas mong buklatin ang talaksan ng iyong koleksyon ng photo album at high school yearbook. At syempre pa, ang una mong hinahanap ang sarili mong larawan. Pagkatapos ay saka inaaninaw ang malinaw sa gunitang anyo ng mga dating kamag-aral, kamag-anak at kaibigan. Marami-rami na rin sa kanila ang namayapa, naging matagumpay, naging kawawa, at nawala na sa balita. Lagi, tuwing makikita mo ang sariling larawan sa yearbook na ang anyo ay mukhang kawawang tin-edyer na ang nakasulat na ambisyon ay maging matagumpay sa buhay ay ibig mong humalakhak. Ang mukhang kawawang bata sa puti at asul na school uniform ay napalitan ng mga larawan sa talaksan ng photo album ng marami mong mukha sa iba-ibang pagkakataon, kapaligiran at expresyon. Expresyong bunga ng mga mumunting kamatayan at muling pagkabuhay. Ng mga pagkarapa at muling pagbangon. Ng mga pagkalugmok at pagkasubasob. Ng mumunting tagumpay at kasawian.
Ang atin daw larawan sa idad na dalawampu ang larawang bigay ng Diyos; sa idad na kuwarenta, ang ginawa natin sa sarili; at sa idad na sisenta, ang larawang ating napala.
Ang patayo bang gatla sa pagitan ng iyong kilay ay tanda ng laging pag-iisip o pagmamasungit? Ang gatlang paiwa at pahilis sa magkabilang pisngi sa pagitan ng mga labi, tanda ba iyon ng palaging pag-ismid o pagngiti?
Ilang ulit ka na rin bang nagpapalit ng iyong pangalan? Ilan ang papalit-palit na maskara sa mukha at sunod sa usong mga saplot sa katawan? Alin diyan ang tunay na Ikaw?
Tuwi kang haharap sa salamin ng iyong banyo ay tumatambad ang apat na tandang pananong (?) na iginuhit mo ng waterproof permanent marker sa gitna ng apat na gilid. . .
Sa dami ng iyong maskara at sari-saring suot sa katawan, kaya mo bang hubarin ang lahat ng iyan, yapakan at/o pagsayawan sa harap ng salamin? Alin ang gusto isuot sa iyong pagsilang sa buhay na walang hanggan?
30 April 2009
Pagdalaw
Sampung taon na ang nakakaraan, si Alma ay dalawampung taon kong laging tinatanaw-tanaw. Kipkip ang mga aklat, classrecord at iba pang gamit sa pagtuturo. Binabagtas niya ang kalaparan ng basketball court patawid sa katapat na gusali patungo sa classroom na pagtuturuan. Sa imbay ng isang bisig at mararahang hakbang na taas ang noo; sa paningin ko'y para siyang isang reynang may sunong na korona.
Pagkaraan ng sampung taon, ang Almang natutunghayan ko ngayon ay latag na katawan sa kama. Buto at balat. Nakadilat subalit nakatitig sa kawalan. May nakasulot na tubong plastic sa ilong kung saan pumapasok ang pagkain. May tubong plastik din sa tagilirang lagusan ng panubigan. Nakatikom ang mga daliri. Walang reaksyon kahit hawakan. Sa paulit-ulit naming pagpapakilala at pagpapaalala sa nakaraan, dahan-dahang tumulo ang luha.
Ayokong isiping totoo ang mga nababalitaang si Alma ay hindi gaanong naaasikaso ng asawa at mga anak. Na naging bigo si Alma sa mga inaasahan sa pamilya at pangarapin sa buhay. Lalo na sa pagkalulong ng kabiyak sa pulitika. Na matapos magretiro sa trabaho ang asawa ay inubos ang retirement pay sa pagkandidato. At natalo. Na ginawa na nitong opisina araw-gabi ang Barangay Hall sa pagtulong sa mga kabarangay. Palaging maraming panauhin at kausap na mga lider umano ng Party List, Akbayan, Akayan o ewan.
Natuon ang aking pansin sa tagapag-alaga ni Alma kung araw, si Nene. Malinis si Alma kahit walang pasabi at biglaan ang aming pagdalaw. Walang amoy ng isang maysakit. Masayang kinakausap ni Nene ang alaga habang ipinapakilala kung sino kaming dati niyang kaguro. Walang pangingimi at masuyo ang kanyang hawak at haplos sa alaga.
Tatlong taon na raw niyang inaalagaan si Alma. Sinasabihan na nga raw siya ng asawa at mga anak na mag-resign na subalit hindi niya magawa. Isang araw lang daw na hindi niya mapuntahan si Alma ay napapabayaan na. Nakakaligtaan ang gamot; hindi napapakain sa oras at nalilinis. Nagkakasugat dahil sa hindi paggalaw sa higaan. At siya raw ang nakukunsiyensya kahit hindi niya ito kaanu-ano.
Nasabi ko, hindi kayang tumbasan ng pera ang ginagawa niyang serbisyo. Nagtanungan kami ng kasama ko kung kanino ibibigay ang aming tulong. Dama namin ang matinding hirap sa panggastos. Sinabi ni Neneng ibili na lang daw namin ng gatas niya at karayom sa pagtuturok ng insulin para sigurado. Malapit nang maubos ang mga ito at hindi pa naibibili kahit ilang araw na niyang ipinapaalala.
Kasabay namin si Nene patungo sa botika nang kami ay pauwi. Napag-alaman naming Pph250 isang araw ang suweldo ni Nene. Nababawasan pa ito ng Pph70 na pamasahe araw-araw.
Sabi ng kasama ko, “Isa kang anghel kay Alma. Malaking biyaya ng langit ang kapalit n'yan sa 'yo.”
“Siguro nga po, Ma'm. Dahil kahit kami mahirap sa pera ay mayaman na rin kaming maituturing. Dahil walang may sakit sa aking pamilya,”
March 2009
Ano Ba Ang Pamilya?
Nagisnan ko, sa isang munting daigdig na bago ang lahat sa paligid. Bagong mga mesa, upuan, TV, ref, at kulay matabang na milk chocolate drink na carpet at dinding. Carpet na unti-unti kong pinarumi sa mga tulo ng gatas, juice at sari-saring pagkain. Dinding na ang gawing ibaba ay nagbugaga sa mga ikinaskas kong crayola, bolpen, lapis at marker na aking nakuha sa mesa ni Daddy at Mommy.
Natuwa ako, nang mula sa tummy ni Mommy ay lumabas si Rajid. May kalaro na ako bukod sa mga bata sa daycare center. Aha! Lalo marahil manliliit ang mga mata ni Mommy sa kagagalit ngayong dalawa na kaming nagdudumi sa carpet at nagsusulat sa dinding.
Namangha ako sa pagdating ni Tita Mira, kapatid ni Daddy buhat sa India. Graduate na ako sa daycare noon at simula na ng pagpasok sa big school. Nag-school din si Tita Mira pero hindi na tulad kong para magbasa at magsulat. Nag-aaral daw siyang magluto. Magluto? Bakit si Mommy marunong nang magluto? Tinanong ko si Mommy, sa Filipinas pa raw ay marunong na siyang magluto kahit hindi nag-school para matutong magluto. At masarap ang kain ko kapag luto kina Lola o ibang kapatid ni Mommy. Hindi maanghang at lasang curry ang mga pagkain sa kanila. Hindi na umalis sa amin si Tita Mira, ang masungit na si Tita Mirang hindi kasingsipag ni Mommy ko.
Nasindak ako nang bigla kaming dumami sa bahay sa pagdating ng ama at ina ni Daddy buhat din sa India. Parang sumikip sa bahay. Masaya rin sa una dahil buhat sa school ay dinadala kami ni Rajid ng aming Lolo sa park. Ang kaso, masyadong nakakapagod. Kasabay niya, pinagpupush-up kami habang pinagbibilang ako hanggang 10, naging hanggang 15, pataas hanggang naging 30. Sinasabayan pa namin siya ng takbong paikot sa oval nang dalawang ulit. Minsang ayaw na naming sumama sa park ay itinali kami ni Rajid sa paa at kamay. Iyak na kami nang iyak nang maratnan ni Mommy. Katwiran ni Lolo ay naglalaro lang daw kami dahil ayaw na naming maglaro sa park. Pero hindi, galit si Lolo at kami ay takot. Sabi ni Daddy, ganoon daw talaga ang disiplina sa kanila noong sila ay bata pa. Si Mommy, galit na galit pero hindi makakibo. Si Lola, parang bale wala lang si Mommy sa kanya, ni hindi pinapansin.
Nalito ako, nang sa pakikipaglaro sa amin ni Lolo ay nagulo ko ang suot niyang turban. Sinampal niya ako nang apat na ulit sa magkabilaang pisngi sa harap ni Daddy at Mommy. Hindi kumibo si Daddy. Galit na galit si Mommy na ibinuhos sa pamamagitan ng gayon ding pagsampal ni Mommy kay Daddy. Noon din ay nagbalot si Mommy ng damit naming tatlong mag-iina. Sakay kami sa kotse at umuwi kina Tita Mercy. Ihinatid pa kami ni Daddy sa sasakyan. Niyakap at hinalikang isa-isa.
Narinig ko pa ang sabi ni Daddy kay Mommy, "Sa iyo ang puso ko pero sa aking pamilya ang mga bisig ko."
Sabay pagkalas ng nakayakap na bisig ni Daddy kay Mommy nang pagalit.
Dalawa lang magkapatid sina Daddy. Panganay si Daddy. Sa kanila raw kultura, ang kapatid na babaing walang asawa pa ay titira sa panganay na lalakeng kapatid. Ang mga magulang naman ay sa panganay na anak na lalake, kung walang bahay. Isang taong titira sa amin sina Lolo at Lola bilang turista, na ang dahilan daw ay bilang tagapangalaga ng anak sa kapakanang cultural and religious differences. Hindi raw matatagalan ni Mommy ang natitirang siyam na buwan pang sama-sama kami sa bahay na iyon.
Nagtatanong ako sa sarili, "Sino ba o alin ang pamilya ni Daddy? Ang mga magulang at kapatid niya? O kaming mga anak at asawa niya?
February 2009
Huling Alay At Hiling Sa Huling Kaarawan
Pahimakas ni Nanay Lola
Pare-pareho, ito lamang ang sinabi ko sa lahat ng mga kaibigang tinawagan ko. Isang buwan pa bago sumapit ang aking kaarawan.
"Gusto ko lang namang maging masaya. Baka ito na ang huling bertdey ko. Lunes 'yon pero gagawin kong Sabado o Linggo. Depende sa gusto ng mga anak ko. Gusto ko sanang naroon ka, kayong mag-asawa."
Halos iisa ang kanilang tugon, "Maaasahan n'yo,Nanay. Kahit ako may ibang lakad, ipagpapaliban ko o kakanselin alang-alang sa inyo."
At silang lahat na kinumbida ko ay nagsidating. Mga anak, manugang, apo, at kaibigang kinumbida ko. Maiinit na yakap at halik. Hindi ko mapigilan ang hindi na naman maiyak sa gitna ng kasayahan para sa akin. Pinipilit ko ang mga ngiti sa likod ng ikinukubling ngiwi. Pilit itago ang nararamdamang sakit ng maraming bahagi ng aking katawan. Pigil ang pagnanais kong sabunutan at iumpog ang aking ulo dahil sa matinding sakit.
Natutuyo na rin ba ang aking utak tulad ng panunuyo ng aking lalamunan? Kasama na rin bang umuurong ang bao ng aking ulo tulad ng nararamdaman kong waring gusto nang magkalagas na mga bisig at kamao? Ang mainit na nararamdaman kong waring nakadagan sa kaliwa kong dibdib, ito ba ang init ng pagmamahal na iniuukol ko sa inyong mga anak ko simula nang isilang ko kayo hanggang sa ngayong nobenta na ako?
Gusto kong mainggit sa inyo, mga anak ko. Dahil ako sa idad na 12 ay nawalan na ng ina. At sa inyo rin mga apo ko, hindi ko naranasan kung paano magkaroon ng isang Lola.
Inaamin kong meron din akong mga pagmamalabis, pagmamasungit at pagkawalang-katwiran kung minsan sa paningin ninyo. Sinasabi n'yo pa nga, "Mas mabuti pa ako sa ibang tao kaysa sa inyo."
Alam ko, hindi n 'yo ako pinili para maging ina sa ninyo. Pero pinili namin ng namayapa n'yong ama na mahalin at itaguyod kayo bilang mga anak namin. Ang mga kaibigan ko, pinili ko sila at ginusto nila ako para maging ina-inahan nila. Para maging kaibigan nila. Sila ang mga kasama ko. Sila ang tinatawag at tinatakbuhan ko sa mga sandaling malayo at abala kayo sa inyong sariling pamilya.
Sinasabi ng mga kaibigang anak-anakan ko, "Nagungulila kami sa tunay na ina kaya kami malapit sa inyo. . . naaalala namin ang aming ina sa inyo."
Kapag inaatake ako ng matinding sakit ng likod, dibdib at ulo; nilalabanan ko iyon sa pamamagitan ng masayang pag-aalay sa Diyos ng lahat ng aking nararamdaman. Pero hanggang saan ko kayang gawin iyon? Huling hiling ko sa Diyos na sana naman ay kunin na Niya ako. Kunin na Niya ako bago ako lampinan at subuan sa pagkain. Bago hindi ko na kayo makilala. Bago manaig sa akin ang kaisipan at damdaming ako'y pinagsasawaan na. Gusto ko nang matapos ang mga paghihirap n'yong, mga anak ko, sa akin.
Ayaw pa kayang tanggapin ng Diyos ang huli kong alay na mga paghihirap ng katawan ko sa Kanya? Bakit ayaw pa Niya akong pagbigyan sa huli kong hiling na kunin na Niya ako? Nakalimutan na ba Niya ako? O may nakakalimutan pa akong gawin para sa Kanya?
Salamat, mga anak ko, sa pag-aalaga nyo sa akin. Sa walang sawang paghahatid-sundo n'yo sa akin sa mga doctor. Sa paglalabas-masok sa akin sa ospital para mapagbigyan ang pagtanggi kong mapasok sa nursing home.
Sana naman sa nabibilang ko nang mga sandali at araw, inyo nang mapagpasensyahan, mapalampas, maunawaan, mapagtiisan at mapagbigyan ang mga natitira ko pang drama sa buhay. . .
Enero 2009
PAGKAKAMIT
Sa talaksan ng mga klipings na mula sa mga dyaryo ng paaralan at lingguhang magasin ay nangunguna ang isang namumulang papel. May pingot sa isang sulok. Nilimbag ng mimeographing machine na may ilan pang magkapatong na letrang hindi na nakuhang burahin ng corrector fluid ang stencil na ginamit. Buhat ito sa aking professor sa Sociology of Religion.
April 17, 1968
For You,
ATTAINMENT
Use all your hidden forces. Do not miss
The purpose of this life, and do not wait
For circumstance to mold or change your fate.
In your own self lies destiny. Let this
Vast truth cast out all fear, all prejudice,
All hesitation. Know that you are great,
Great with divinity. So dominate
Environment, and enter into bliss-
Love largely and hate nothing. Hold no aim
That does not chord with universal good.
Hear what the voices of silence say,
“All joys are yours if you put forth your claim,
Once let the spiritual laws be understood
Material things must answer and obey.”
Ella Wheeler Wilcox,
LEAVES OF GOLD
P.S.
May this serve as a guideline as you continuously endeavour to understand the SOCIETY OF MAN… of which we are all a part of, unfortunately of fortunately! Good luck to all of you.
gdc
Ito rin ang ipinamudmod kong tula sa anim kong istudyanteng greyd six sa Scripture. Ang “For You” ay pinalitan ng kani-kanyang pangalan. Ang petsa ay 3 December, 2008. Hindi na sa mimeo machine inimprenta, kundi sa computer.
Sana sa aking pagdalaw sa mga pinanggalingan paaralan bilang isang dating istudyante at guro ay maibahagi ko sa mga magsisipagtapos ang naturang tula.
PAGKAKAMIT
Salin ni Amy Punzalan
Nakatagong talino’t lakas gamiting lahat
Kahulugan ng buhay isa-isip at paka-ingat.
Kapalara’y di-hinihintay, di rin sa ibang tao nakasalalay.
Sarili mo ang nagtatakda ng kahihinatnan ng ‘yong buhay.
Pakatandaan itong dakilang katotohanan upang matapon
nang lubusan lahat mong takot, hiya’t pag-agam-agam.
Diyos na dakila ang iyong pinagmulan.
Kaya’t dakilang lahi ang sa ‘yo’y nagsilang.
Sa iyo rin inilaan ang lahat ng mga bagay
upang iyong alagaan at sa katiwasaya’y mabuhay.
Lawakan ang pagmamahal at sinuma’y di-dapat kamuhian.
Huwag magnais ni-umasam kundi rin lamang sa pangkabutihan.
Pakinggan ang sinasbi ng mga tinig ng katahimikan,
“Oras na maunawaan mo ang mga tuntuning ispiritual,
lubos na kaligayahan mapasasa-iyong buhay,
mag-utos ka’t darating susunod ang mga material na bagay.”
December 2008
Opisina Ni Nanang
Araw ng Lunes, Mierkoles, at Huwebes ang opisina ni Nanang. Tatlong oras bawat araw kaya tutal na siyam na oras sa loob ng isang linggo. Hindi na masama para sa suweldong $408.00 tuwing ikalawang linggo. Pero parang mahirap din; kung tutuusing ang kanya lamang ginagawa ay magbuklat ng dyaryo, magbukas ng internet, makipag-usap sa pamamagitan ng telepono, magpadala ng sulat sa pamamagitan ng fax; at kung hindi nakikita ng kanyang (case) manager ay magbasa ng mga dalang pamphlet, maglaro ng suduko, o makipaghuntahan sa katabi sa mesa.
Dalawampu silang babae at lalake sa grupo. Nasa pagitan ng 25 at 64 ang kanilang mga idad. May tatlong Intsik at apat na taga-Middle East na hindi makasalita at makabasa ng Ingles.
Si Ahmad ay pangalan lamang ang kayang basahin at isulat; dyslexic yata. Pero masipag ito sa paggamit ng telepono.
Dating titser si William sa outback. Basta naupo, hindi na tatayo sa loob ng tatlong oras. Nakatungo sa harap ng isang dyaryong hindi naman binabasa. Nanginginig ang mga kamay. May alchiemers daw siya.
Sina Leila at Sue ay palaging huli kung pumasok at maaaga ring umuwi dahil sa mababagal maglakad. Sapo ang balakang at paika-ika. Hinahabol nila ang biyahe ng bus.
Si Jayme ang pinakabata. Lahat ng marinig ay may nakalaang negatibong kumento. Kapag hindi nakatingin ang manager ay pauli-ulit na ikinukwento sa katabi kung paano siya iniwan ng kanyang ama’t ina sa kanyang lola matapos sumama sa ibang asawa ang kanyang mga magulang. Nang mamatay ang kanyang lola ay kung saan-saan na napatira hanggang sa ngayon ay namumuhay mag-isa. Palaging nagtatanong nang pabulong kung ano ang punto ng pagpunta nila sa opisinang yaon. Nagalit nang may isang sumagot, “Kailangan natin ang pera! Dapat pa bang itanong ‘yon?’
Clint ang bansag kay Bill. Winter, summer, autumn at spring ay Clint Eastwood ang dating. Talaga ka namang mapapatingin at mapapalingon lalo na kapag kumakanta ng mahinang cowboy song.
Magnifying glass naman ang gamit nina Sung at Kim habang nakatitig sa mga pinong letra ng dyaryo.
Lahat sila ay nakapirma sa anim na buwang kontrata ng Global Skills. Ang kasunduan ay para maghanap ng trabahong part time, 15 hanggang 20 oras sa isang lingo. Nasa programa sila ng (DEN) Disability Employment Network) ng gobyerno para sa mga may limitation sa pagtatrabaho. Nakasaad din sa kuntrata ang pagbibigay ng listahan ng detalye ng 10 inaplayang kumpanya sa loob ng isang lingo habang tinutulungan ng kumpanyang makabalik sa work force.
Ito ang kanilang ginagawa sa siyam na oras isang linggo. Nagsasalimbayan sa telepono, computer, fax machine, photocopier, at dyaryo. Kung alin man sa mga hi-tech na gamit ng opisina ang hindi nila kayang gamitin ay tinutulungan sila para makapagpadala ng application letter at resume o maka-apply online.
Sa mga mareklamo ang payo ni Nanang, makipagtulungan na lamang at sumunod sa ipinagagawa sa kanila kung ayaw nilang maputol ang sustento ng gobyerno. Totoong mahigpit ang manager. Ginagawa lang naman nito ang tungkulin. Kung hindi, tulad nila ay baka mawalan din ng trabaho.
Ang kanilang case manager ay mahigit lamang sa 30 ang gulang. At matay mang isipin ni Nanang, mga ilang taon pa at hindi ito umalis sa trabahong iyon, baka mukha na itong Kojak o Richard Geere.
November 2008
Aerobics Ni Nanang
Araw ng Biyernes ang schedule ng aerobics ni Nanang. At h’wag kayong magugulat. Dalawa ang kanyang gym. Kung minsan ay nagiging tatlo pa kapag may tawag na hindi matanggihan.
Kalaro ni Nanang si Adora. Dalawampung taon ang kabataan nito sa kanya. Nagkikita sila sa istasyon ng tren sa Lidcombe para sumakay sa 6:00 ng umagang biyahe ng tren hanggang Central Station. Lilipat sila sa bus na papunta namang Matravale. Kailangan nilang makarating doon bago 7:30 ng umaga. Aalis na kasi ang mga nakatira sa gym. Patungo sa trabaho ang may-ari ng bahay at maghahatid din sa paaralan ng dalawang anak. Mag-iiwan sa kanila ng mga dagdag na dapat gawing naiiba sa dati na nilang ginagawa, kung mayroon man. Iniiwan din ang susi ng gym at pera para sa kanilang dalawa kung hindi na sila mag-aabot ng maybahay pagkatapos ng kanilang aerobics.
Tatlong oras sila sa gym#1. Pagkatapos iinit ang baong tanghaliang-almusal ay mag-aapurang kakain. Isasara ang pintuan ng naturang gym at hahabulin sa bus stop ang dadaang bus patungong Maroubra. Dalawang oras naman sila roon sa gym#2. Kung minsan ay may biglang tatawag na bakanteng gym sa gawing Bondi na paglalaruan naman nila ng dalawang oras.
Ang mga armas na gamit ni Nanang sa kanilang gym ay nakasilid sa isang grocery basket: isang rolyo ng paper towel, ilang pirasong basahan, glass and window cleaning spray at furniture polish spray. Hila-hila ni Nanang si Hoover.
Delikado at mapili si Nanang. Protektado pa siya ng disposable gloves. Ayaw niya ng floor mop. Hindi niya pinapasok ang parte ng gym na magbabasa ng kamay o matatalsikan ng tubig ang paa. Sakop iyon ni Adora. Baka kasi lalong manginig ang mga daliri o umandar ang rayuma. Para kay Adora ang aerobics doon.
Alalay o kabit lang ni Adora si Nanang. Buhat sa regular nilang dalawang gym ay binabayaran sila ng $200. Ang parte ni Nanang ay $65. Kapag naging tatlo ang gym ay tumatanggap sila ng $280; $90 naman ang para kay Nanang. Walang kaso kay Adora ang pamasahe dahil lungguhan ang tiket nito sa tren at bus sa mga lugar na iyon. Pero sa dami ng sakay-lipat nila sa tren at bus, kung hindi $2.50 lamang ang tiket ni Nanang sa buong maghapon kahit ilang ulit siyang magpalipat-lipat sa mga tren, bus o ferry; matitirhan na lamang si Nanang ng $50. Pero sulit na rin para sa dami ng tinunaw niyang calories na naipon sa loob ng isang linggo. May pera pa siya para sa poker kung magkayayaan sila ng kaibigang si Ana sa club.
Gusto n’yong sumama sa aerobics ni Nanang at Adora? Wala nang bakanteng araw si Adora para magsama ng kalaro. Biyernes lang kailangan; kung kailan lowbat na ito para isama ang isa pa ring laging lowbat na si Nanang.
October 2008
Walang Katapusang Pag-aaral
Anim na piso lamang ang matrikula noon sa haiskul subalit muntik nang mahinto sa pag-aaral si Myrna. Nagkasakit ang kanyang ina. Mahina ang kita ng tsuper na ama para matustusan ang pagpapalaki sa kanilang limang magkakapatid. Mabuti na lamang at nakapasa siya sa isang scholarship na ibinigay ng isang mayaman sa kanilang bayan. Malayo ang narating ng scholarship na iyon. Sinikap ni Myrna ang makatapos ng pag-aaral sa pamantasan habang nagtatrabaho sa araw at nag-aaral sa gabi. Tinulungan niyang makapag-aral ang iba pang kapatid na naging matagumpay naman at matatag sa napiling propesyon. Ang mga ito ay tumutulong naman sa pagpapaaral sa iba kahit hindi kamag-anak basta may talino, ambisyon at nangangailangan.
Nagalit si Romulo sa education. Hindi kasi siya pinag-aral ng mga magulang sa pamantasan samantalang ang ibang kapatid ay nakatapos ng kolehiyo. Hanggang haiskul lang at pinagtrabaho na siya. Mahina raw ang ulo niya at kulang sa sikap. Nagbagsak ng isang subject noong nasa unang taon at hindi marunong magtipid gayong hikahos din sila sa pera. Nang magkapamilya at magkaroon ng dalawang anak, sinikap nilang mag-asawang mapagtapos ang mga anak. Subsob sa paghahanapbuhay ang babae bilang mananahi; si Romulo bilang tsuper at sinabayaan pa nila ng pag-aalaga ng manok at baboy sa kanilang likod-bahay. Naging isang abugado at isang doctor ang kanilang mga anak.
Malaki ang tiwala ni Ricardo sa kabuhayang ipinamana ng mga magulang. Maluwang na sakahan at palaisdaan. Wala siyang anak na pinagtapos man lamang ng haiskul. Ang katwiran ni Ricardo, hindi nila kailangan ang mag-aral. Hindi nila kayang ubusin hanggang sa kanilang kaapu-apuhan ang mamanahing kabuhayan.. Maaga niyang tinuruan ang limang anak ng pananakahan at pamamalaisdaan, babae man o lalake. Subalit ang hindi natutuhan ng mga anak ay ang wastong pamamahala, pagsisinop at pagpapalago sa mamanahin. Unti-unti ring naubos nang maghati-hati na at mawala ang mga magulang.
May mungkahi si Myrna sa mga kamag-aral sa haiskul 50 taon na ang nakakaraan. Kung magbigay kaya sila ng scholarship sa paaralang kanilang pinagtapusan bilang project o regalo. May ilang nagkumento:
- Duplication na ‘yan. May gumagawa na n’yan.
- Isa lang tao ang makikinabang d’yan.
- Malaking gastos. Baka hindi natin kaya.
- Kailangan tayo ang pumili buhat sa mahihirap na kaanak ng mga kaklase natin. Hindi sila.
May limit ba sa pagpapa-aral? May pinipili ba maliban sa talino,at pangangailangan? May ibang layunin ba bukod sa taos-pusong pagtulong at pagmamahal?
September 2008
Sex Education
Ito’y usapan ng mag-inang naglalakad galing sa paaralan. Ang anak na babae ay anim na taon at nasa year one o grade one.
Anak: Alam mo, Mommy kung saan galing ang baby?
Ina : Saan nga ba?
Anak: Sa birth hole!
Ina : Nasaan naman ang birth hole?
Anak: Di malapit sa butt hole! At saka, Mommy, ‘yang mga duck. Alam mo kung alin ang babae at lalake? Kung paano sila makikilala?
Ina : Hindi nga. Paano ba?
Anak: Mas malaki ang lalake kaysa sa babae. Ang kulay nila ay magkaiba rin. Marumi ang lalake. Ang babae ang nagbibigay sa atin ng itlog nila. Alam mo kung paano?
Ina : Hindi nga.
Anak: Dinadaganan ng lalake ang babae at nilalagyan ng special oil para lumabas ang itlog.
Ano naman kaya ang itatanong at ikukuwento ng batang ito pagdating ng haiskul? Samantalang ang pinsan nitong lalaking nasa kinder pa lang ay nagkukumento na. Kapag nakakakita ng nagyayakapan o naghahalikang babae at lalake maging sa tv o saan man ay sinasabing, ”They are having sex.” Naiintindihan naman kaya iyon?
Sa isang Year 6 (Grade6) SRE (Special Religious Education) class ay nagawi kay Virgin Mary ang usapan. Isang makulit na batang babae ang pilit ihinihingi ng paliwanag ang kahulugan ng ‘virgin’. Nakikulit na rin ang lima pang kaklase. Ang volunteer na katekista ay nag-apuhap ng isasagot.
“Parang virgin forest, untouched, undisturbed. . .”
“Malabo, Miss.” Nakangisi ang isang may kapilyuhan.
“A, tingnan n’yo sa dictionary.”
Sex Education. Kailan? Paano? Ano? Kung nabubuhay pa sina Ingkong at Impo, malamang sa himatayin sa sinasabi ng mga apo nila sa talampakang ito.
August 2008
Retirement Homes
VILLA sa isang makabagong Retirement Village. Malapit sa ospital, shopping mall, simbahan at paradahan ng bus. Sa loob ng village ay may swimming pool, tennis court at lawn bowling ground. May solo o dalawahang kuwarto ang mga villa. Mga nag-iisa na sa buhay ang karamihang nakatira. Minsan, sa lawn bowling ground ay may naganap na kasalan ng dalawang residente. Ang kanilang mga idad ay naglalaro sa 70.
CONDOMINIUM sa Makati ang nakursunadahang ipundar ni Ricky. Tatlo ang silid-tulugan, dalawa ang banyo/palikuran, maluwang ang sala, silid-kainan at kusina. Paglabas ng berandang nahaharangan ng maluwang na pintong salamin ay may swimming pool. Ang kaso, nang magretiro na si Ricky matapos ang 35 taong paghahanapbuhay sa Australia ay madalas at matagal pa ang inilalagi niya sa nilakhan niyang baryo sa kalapit na probinsiya.
MANSION kung bagang maituturing ang dalawang palapag na tahanan sa gitna ng dating sakahan ng palay na ginawang subdibisyon. Limang taon pa lamang ang naturang bahay. Tatlo ang kuwarto sa itaas para sa tatlong anak at isa sa ibaba para sa mag-asawa. Bihirang matulugan ang mga kuwarto sa itaas. May sarili na rin kasing bahay at pamilya ang mga anak. Bihira na ring akyatin ng mag-asawa ang naturang mga silid. Mahina na ang mga tuhod at humihingal na sa idad nilang mahigit nang 70.
CONDOMINI ang tawag ng may-ari sa dating garaheng nilagyan ng banyo, kapirasong lutuan at mga cabinet sa itaas ng lababo. Ginawan ng hagdan ang naturang dating garahe patungo sa ikalawang palapag na nagsisilbing silid-tulugan. Kumpleto sa gamit ang naturang bahay. Refrigerator, aircon, telebisyon, kama, at mesang kainan para sa dalawa. Pero mas madalas na nakasara at walang tao ang condomini. Ang hindi kalakihang orihinal na bahay ay pinauupahan. Pandagdag sa panggastos kapag umuuwi ang may-ari nang isang buwan taun-taon para dalawin ang mga kamag-anak, kaibigan at dating kasamahan sa trabaho.
BAHAY KUBOng tunay na yari sa pawid at kawayan. Ito raw ang bahay na kanyang nilakhan sa dati pa ring bakurang natatamnan ng mga puno. Ang pagkakaiba nga lamang ay nakatuntong ito sa konkretong haligi at tahilan para mahirap akyatin ng anay. Araw-araw pagkakain ng tanghalian ay nasa silong ng nasabing bahay-kubo si Mang Atoy. Nakasandal sa tumba-tumbang dating pahingahan ng yumaong ama. Madalas makatulugan ni Mang Atoy ang pakikinig sa istasyon ng radyong nagpapatugtog ng mga lumang awitin.
BALAY PAGDU-AW ang tawag sa isang bahay sa paanan ng bundok na nasa pampang ng karagatan sa Aklan. May maluwang na salas na pwedeng gawing conference room, isang silid-dalanginan para sa nais mag-meditation at anim na silid-tulugan. Kayang magpatuloy pansamantala ng hanggang 20 katao nang walang maniningil. Dito balak magretiro ng isa sa mga nagpatayo ng Balay para magsulat ng aklat pambata tungkol sa siyensya sa wikang Filipino.
July 2008
Moree Girls
Hindi ito isang international beauty pageant. Makulay ang suot na bathing suit ng kababaihan. Kumpleto sila sa make-up, ayos na ayos ang buhok na mukhang galing sa beauty parlor at halatang mamahalin ang suot na mga alahas. Sunud-sunod, isa-isa silang lumusong sa tubig buhat sa pinanggalingang silid-bihisan. May ilan nang naunang nagbuhat sa Italy, Ireland, England, Yugoslavia, Croatia at Scotland. Medyo nahuli ang limang magkakabarkada. Sila ay galing sa Ecuador, Kurd, Finland, Nueva Ecija at Valenzuela. Sa kanila nakatuon ang tingin ng marami dahil, marahil, sila ay bagong mga mukha.
Pero hindi nga ito isang international beauty pageant. Pare-pareho lang silang mga Australian citizen. Nanunuri ang mga mata ng kung ilang kalalakihang nauna na ring nakalublob sa pool. Palipat-lipat ang mga mata sa mga babaing walang pangingimi sa paglalakad sa gayong kaayusan. Humahanga ba o nasusuya ang mga kalalakihang ito sa naglalakihang bilbil, bukil-bukil na cellulite at sala-salabat na varicose veins ng karamihan sa mga dilag na kanilang pinanunuod?
Nakapaskil sa malalaking titik ang temperatura ng tubig sa dalawang magkaibayong pool, 38 at +40 degrees Celcius. Ang natural na init ng tubig ay galing sa balong isang kilometro ang lalim sa lupa. Medyo alkaline ang tubig na sa bawat 100,000 ay 63.75 na bahagi ay mga minerals. Karamihan sa mga mineral na ito ay sodium carbonate, 47.55 at sodium chloride, 10.25. Subalit dahil sa regulasyong pangkalusugan ay dinagdagan ng chlorine.
Hindi paglangoy ang pangunahing sadya ng mga dumarayo sa Moree Hot Artesian Pool Complex kundi para magbabad. Karamihan ay may rayuma, arthritis, pananakit sa iba-ibang bahagi ng katawan, paninigas na mga masel, sakit sa balat at iba pang karamdaman. Tulad ng mga naunang ninuno ng taga-Moree, nakakakita sila ng lunas sa pagbababad sa mainit na tubig na maraming mineral. Kaya ang orihinal na inilalarawang Moree Artesian Bore Baths ay pinaunlad ng local na pamahalaan. May nakahiwalay na swimming pools para sa mga bata at matanda. Meron ding serbisyo para sa gustong magpamasahe pagkaraang maglunoy sa mainit na tubig. Nakapaligid ang mga hotel sa complex. Pinakamadali ang isang linggong pamamalagi sa lugar na iyon ng mga dumarayo.
Halimbawa na lamang ang limang magkakabarkada, sampung oras silang nagbiyahe sa pamamagitan ng tren at isang linggong naka-check in sa isang kalapit na otel. Umaga at hapon ang lusong nila sa pool na mahigit 40 ang init. Mga pensionada na sila. Dalawa ay diborsyada at tatlo ang isang linggong nakipag-time out muna sa kani-kanilang mga asawa. Mahuhulaan ang kanilang idad at matitiyak ang dahilan kung bakit nila dinayo ang gayon kalayong lugar. Ang mga bagong kakilalang nakakuwentuhan nila sa pool at lobby ng tinutuluyang hotel ay palagian nang suki roon. Mayroong limang taon at mahigit pa ang ilan.
Ang pinakalider nilang tubong Finland na si Sylvia, ay dumarayo roon tuwing anim na buwan sa nakaraang apat na taon. Sa huling gabi ng tulog nila sa Maria Hotel ay nagpareserba na uli si Sylvia para sa susunod niyang balik. Kung sasama pa ulit ang apat? Wala pang malinaw na tugon ang bawat isa. Subalit may isang malinaw na alaala para sa dalawang diborsiyada. Nakakita sila ng mga tagahanga. Nakilala nila habang nakababad sa pool. Kinumbida ang barkada sa isang tanghalian, isang hapunan at ihinatid pa sa istasyon ng tren nang sila ay pabalik ng Sydney. Naging katuwaan nilang pagkuwentuhan habang naglalakbay nang sampung oras sa tren ang tatlong lukutoy na bukod sa mga may arthritis at rayuma na ay may binagbakasyunan din munang mga asawa.
June 2008
Balinkasag Marine Sanctuary
Panglaw Island, Bohol
Ikaanim ng umaga, 13 katao ang sunud-sunod na lumabas sa tatlong magkakatabing silid ng Bohol Beach Club apartments. Dalawa sa kanila, na pawang mga senior citizens, ang hindi nakasuot ng kumpletong diving suits at may nakasabit sa leeg na snorkel at mask. Nakadamit-pambasa at tsinelas lamang ang mga senior. Anim sa 13 ay mga batang lima hanggang 12 ang idad. Kasama ang kanilang mga magulang. Tinugpa nila ang pasigan patungo sa isang nag-aabang na malaking bangka. Sa pasigan pa lamang ay nagkakaingay na sila sa paghanga sa mga nadaraanang starfish na may kulay asul, pula at orange. Hindi pala kulay abo o itim lamang ang starfish, sabi pa ni Lola.
Kailangang nasa laot na sila sa pagsikat ng araw bago tumungo sa diving site para mapanood muna ang mga nagtatalunang dolphins, ayon sa bangkero.
Sa isip ni Lola, sa Taronga Zoo lamang sa Sydney ay nakakapanuod sila ng mga dolphins na nagpapakita pa ng mga tricks. Bakit kailangan pa nilang sumakay ng eroplano para dayuhin ang panunuod sa mga dolphins na ito?
Mahigit sa sampung magkakahalintulad na bangka nang oras na iyon ang palisaw-lisaw sa karagatan. Kung saan pumunta ang isa, sunuran ang iba. Naroon daw ang mga dolphins. Sa loob-loob siguro ng mga dolphins, bakit kaya sila ginugulo at tinutugis ng mga kaiingay na hinayupak na ito? Pagkaraan ng halos kalahating oras na paikut-ikot, sa wakas ay sigawan ang mga bata. Hayun ang mga dolphins! Tatlong ulit na talon-lubog sa tubig! Walang nakita si Lola kundi puro alon. Isa ang nakita ni Lolo.
Sa maliit na islang daungan ng mga nais mag-diving ay nakabungad ang karatulang “Balinkasag Marine Sanctuary”. Binabantayan daw ng Coast Guard ang maliit na islang iyon laban sa mga magtatangkang umabuso sa kalikasan ng pulo. Sinalubong sila ng ilang kababaihang may sunong na bilao. Akala nila ay mga tindera ng kakanin. Mga sea shells pala at sea shell crafts ang tinda ng mga ito. May isang babaing nagyakag sa isang kalapit na kubo para pumili raw ng mga sariwang isdang gusto nilang ipaluto sa pananghalian pagkatapos mag-diving. Nagkape muna ang grupo sa harap ng isang mahabang mesang mabilis na nalinis at natakpan ng mantel para sa kanilang pagsasalu-salo.
Sakay ng tatlong maliliit na bangka ang mga naka-diving suit. Ang bangkero ang kanila ring gabay sa pagsisid sa lugar na kinalalagyan ng mga corals at iba-ibang uri ng tropical fish. Sakay naman ng isang maliit na bangka ang mga senior para mamingwit sa pamamagitan ng dala nilang handline sa lugar na hindi bawal.
Maraming kwento ang mga bata tungkol sa kanilang napanuod sa ilalim ng dagat. Ipinagmalaki sa mga senior sa pamamagitan ng dala nilang underwater video camera ang mga nakita.
Ipinagmalaki naman ng mga senior ang nasagap ng kanilang bangkerong tatlong maliliit na isdang kulay asul, hawig sa mga isdang inaalagaan sa aquarium. Sayang daw at masyadong mailap si Nemo. Binusog na lamang nila ang kanilang mga mata sa panunuod ng iba-ibang kulay na maliliit na isdang nag-aagawan sa ibinubudbod nilang durog na tinapay habang nakasilip sa malinaw na tubig. Mabuti pa sa Balmain Wharf. Habang nakaharap sila sa Darling Harbour Bridge sa mga oras na wala nang nagbibiyaheng ferry boat. Nakakahuli sila ng mga yellow tail (galungong) sa pamamagitan ng kanilang handline.
Sayang! Kung bakit nang magkaroon ang mga senior ng panahon at kakayahang maglalakbay ay hindi pa sila inaatake ng rayuma kapag masyadong nalamigan.
May 2008
Lubuc River Floating Restaurant
Bohol
Isang mahabang hapag ng sari-saring pagkain ang nasa gitna ng malaking bangka. Nakahanay sa gilid nito ang mga mesa at silyang kainan. Humigit-kumulang sa 30 ang pasaherong masaganang nanananghalian habang naglalakbay. May tumutugtog at kumakanta habang patungo sa dulo ng ilog. Madaraanan sa magkabilang gilid ng ilog ang madalang na kabahayan. Sa ilang bahay na yaon ay may nakadaong pang maliit na bangka. May mga naglalaba sa ilog; katibayang malinis ang tubig. Malalaking bato ang nasa dulo ng ilog na may lumalagaslas na tubig mula sa bundok.
Pabalik, huminto ang nakalutang na restawran sa tapat ng isang entablado sa pampang. Ang gayak ng entablado ay parang may pista sa nayon. Meron ditong isang mahabang bangkong kinahahayanan ng 15 babae at lalaki. Tatlong henerasyon ang sakop ng kanilang mga idad. Nakadamit katutubong Filipino ang karamihan. Unang tumugtog ang rondalya ng isang Filipiniana medley. Sinaliwan din ng rondalya ang mga kumakanta at nagsasayaw. Isa sa kanilang tinugtog ang “Pamulinawen”. Apat na pares ang nagsayaw ng tinikling at pandangguhan. Umaawit sila ng “Pobreng Alindahaw” habang nagsasayaw. Ipinanangharana ang “Dili Mulubad” at “Inday ng Buhay Ko”. May dalawang binatilyong nagsayaw ng break dance at dalawang batang babae ng banana dance naman. Ang kanilang pagtatanghal kultural ay kumakatawan sa halos lahat ng rehiyon ng Filipinas. Kumakatawan din sa panlasa ng ibat ibang gulang ng manunuod. Mahigit kalahating oras ang kanilang palabas. Matapos ang mahaba at malakas na palakpakan, ang manunuod ay talaga namang ganadong maghulog ng magandang halaga sa kanilang donation box.
Isang bata ang pumansin sa kanyang ina kung bakit ito umiiyak nang magsimula nang umusad ang sasakyan paalis. Naalala lang daw nito ang mga palabas nila sa paaralan sa probinsiya noong bata pa.
May isang puno ng niyog sa pampang na nakahapay at nakayungyong sa ilog. Pinakahuli marahil palabas o nakaw-pakulo lang, tatlong binatilyo ang matutuling umakyat sa puno. Pagdating sa taas na mga walong metro at mga sampung metro ang layo sa harapan ng sasakyan ay isa-isang nagsitalon. May napasigaw sa pag-aakala marahil na baka masagasaan. Ilang saglit pa at isa-isa na silang nakapangunyapit sa malaking bangka. Nanulay hanggang sa mapagtiga-tigasahan nila ang tatlong gilid nito. Waring mga gulilat ang matang isa-isang tinitigan ang mga nasindak o namanghang turista. Nang walang pumansin ay isa-isang tumalon at lumangoy pabalik sa pinanggalingang pampang.
Sa kabuuan, mura o sulit na sulit ang gastos sa halos dalawang oras na kasiyahan. Namumukod-tangi at mahirap ihambing sa mga mamahaling restawran sa siyudad. Sino kaya ang tatangkilik sa ganitong uri ng restawrang palulutangin sa ilog ngTullahan o Meycauayan o Marilao?
April 2008
Eden Nature Park & Resort
Davao
Isang bahagi ng bundok na pinapanatili ng may-ari ang natural nitong kalikasan kahit dinagdagan na nang makabagong facilidades para sa isang makabagong park at resort.
Nag-iisa. Walang kabarkada. Minabuti ni Nanang na maupo sa tabi ng tsuper ng shuttle car. Ililibot sila nito sa bahagi ng bundok na kayang ahunin-lusungin ng sasakyan sa loob ng kalahating oras. Nagkakatuwaan namang sumakay sa likuran ang isang grupong may 12 katao. Nagkukuwentuhan sila sa isang dialektong hindi maintindihan ni Nanang. Naisip niyang lugi yata siya nang magsimula nang magpaliwanag ang tourist guide na nasa likuran tungkol sa kanilang mga dinaraanan.
Unang naraanan ang fishing village na pwedeng ipaluto o iuwi ang anumang mahuli. May panibagong entrance fee pagpasok at malamang na babayaran mo rin ang lahat ng mahuhuling isda. Sari-saring gulay ang nakatanim sa mga hardin at greenhouses. Mga letsugas na makikita lamang sa malalaking supermarket na pinatutubo at inaani gamit ang state-of-the-art hydroponic technology sa Hydroponic Vegetable Garden. Meron ding Prayer Garden na perpektong lugar daw para magmuni-muni ang mga nais mag-relax at magpalakas spiritual. May hardin ng sari-saring bulaklak at taniman ng mangosteen. Kahanga-hanga ang amphitheatre kung saan matatanaw ang kabuuan ng Davao City at Gulf. May mga nurseries ng pandekorasyon at bulaklaking halaman at libong seedlings ng pine, eucalyptus, teak, narra, molave, mahogany at iba pang puno. Sa tapat ng nursery ng mga punungkahoy ay ang koleksyon ng katutubong puno tulad ng papaya, atis, kaymito at iba pa. May mga cottages, hall, mga kuwartong bakasyunan at campsite para sa mahilig sa camping. May malaking kulungan ng mga ibon at tanging lugar sa mga nakakawalang usa sa bundok. Iba-ibang uri ng herbs na panahog sa pagkain na karaniwang sa mga malalaking chinese restawran lamang matitikman. Ang mga ani rito ay ginagamit sa pagluluto sa restawran ng resort. Bawal ang magbaon ng pagkain . Pwede ang tubig para sa mga mountain climbers. Ang sports field ay may facilidad para sa obstacle course, horseriding at soccer.
Nang matapos na ang tourist guide sa pagpapaliwanag at nasa ruta na silang pabalik ay napagbalingan ni Nanang interbiyuhin ang katabing tsuper na si Fred hanggang sa matapos ang tour. Matagal din itong nanirahan sa Manila. Umuwi ng Davao upang doon palakihin ang pamilya.
Sa tantiya ni Nanang ay mga isang oras pa at kalahati bago magsibalik ang kanyang mga kabarkada. Sila ay binubuo ng limang batang idad lima hanggang sampu at kanilang mga magulang. Tatahakin nila ang apat na kilometrong mountain trail, kung hindi sila magso-short cut. Palusong at paahon ang landas kaya hindi siya pinayagang sumama. Hanggang shuttle tour na lang daw siya.
Paulit-ulit niyang binasa ang nakapaskil sa bungad ng park na Mountaineers’ Dictum:
Take nothing but pictures
Leave nothing but footprints
Kill nothing but time
Bring home nothing but memories.
Paano pa ba makapag-uuwi si Nanang ng magagandang litrato? Kahit na nga digital ang kamera ay nanangangatog naman ang mga daliri niya. Anong bakas pa ng paa ang maiiwan niya sa bundok na iyon samantalang hanggang sa pamamagitan ng lamang shuttle car siya pwedeng mamasyal? Anong oras ang papatayin niya? Hindi yata pwede ‘yon kaya nga ininterbiyu niya si Fred. At ang alaala ng huntahan nila ang kanyang iuuwi. May katwiran si Fred para umuwi na ng Davao. Ngayon din niya lubusang naintindihan at hinangaan ang mga awitin ng singer/composer na si Joey Ayala, isang anak ng Davao.
March 2008
Regalo ng Bangaw(?)
Ang biyahe: Sydney-Singapore; Singapore-Manila.
Pagkalipas ng isang oras sa himpapawid, nagsimula nang magsilbi ng tanghalian ang flight stewardess.Chicken with rice ang pinili ni Victor. Gutom nang talaga kaya subo agad. Nakakadalawang subo na siya nang may mapansing isang malaking nangingintab na butil. Unang hinala ni Victor ay isang nabuong paminta iyon. Dahil sa ayaw maanghangan, dinukot ng tinidor at binaligtad pa. Tumambad sa kanyang paningin ang nagtikwas na mga paa ng naninigas na tustadong bangaw!
Relax lang si Victor na kinambatan ang flight stewardess. Ipinakita ang tray ng pagkain kasunod ang pakiusap na kung pwedeng palitan lang bago bumaligtad ang kanyang sikmura.
Bukod sa kapalit na bagong tray ng pagkain, marami pang kung anu-anong regalong souvenir ng eroplano ang ibinigay kay Victor. Kinuha rin ang lahat ng kanyang personal details, pati numero ng pasaporte.
“Only these?” pabirong totoo ni Victor.
“Sorry, Sir,” ang nahihiyang tugon.
Isang araw ang stopover nilang mag-anak sa Singapore bago tutuloy ng Manila. Bitin daw, sabi ni Misis. Nanghihinayang kung bakit hindi man lang nila ginawang dalawang araw. Mabibigat tuloy ang kanilang mga paa nang nasa harap na ng check-in counter patungong Manila. Pagkatapos maipasok ang kanilang pangalan sa computer, mataman siyang tinitigan ng kaharap. Overbooked daw ang pa-Manila. Kung pwede raw silang mag-volunteer para sa susunod na flight kinabukasan. Libre ang hotel at may dagdag pang US$150.
“Ay, I have some activities to attend,” tutol ni Misis.
“Plus 300 singapore dollar?” dagdag pa.
“Is that per head? We are four,” paglilinaw ni Victor.
“Yes, Sir!”
“Ok! Ok. We’ll take it.” Si Misis ang sumagot.
Enjoy ang mag-anak sa isang araw pang pamamasyal sa Singapore nang libre at may panggastos pa.
Nagmumuni-muni si Victor habang sakay ng eroplanong patungong Manila kinabukasan. Totoo nga kayang overbooked ang eroplano sa araw na iyon? Hindi kaya kusa silang inalok magpaiwan at regaluhan para hindi na magreklamo pa tungkol sa pagkaing pinasukan ng bangaw? Anuman ‘yon? Salamat sa bangaw.
February 2008
Lola Andeng
(Pang Bagong Taon)
Unang araw ng simbang gabi. Nakipagsiksikan si Nanang hanggang sa makarating sa gawing unahang upuan ng simbahan. Nakatabi niya ang isang senior citizeng sa tingin niya ay mukhang balikbayan din. Kahalintulad nito sa gayak ang mga matatandang nakikita niya sa Sydney. Maiksi ang gupit ng kulay pilak na buhok. Pula ang blusa at itim ang pantalon. Pula rin ang bag at itim ang chemist o ortho shoes. Larawan ng isang matandang maalaga sa sarili tungo sa katandaan. Subalit halata na ang paghihirap nito sa pagtayo, pag-upo, pagluhod, at paglakad papunta sa pagtanggap ng kumunyon. Parang walang kasama ang matanda sa pagsisimba pero maraming kakilalang bumabati pagkaraan ng misa.
Sa loob ng siyam na gabing misa de galyo at misa sa noche buena, na talaga namang siksikan sa simbahan, kung hindi katabi o kahanay sa bangko ay kasunod ni Nanang si Lola. Nagbabatian sila ng “sumaiyo ang Panginoon” sa takdang bahagi ng misa kaya para na ring magkakilala.
Linggo pagkatapos ng Pasko, Pista ng Banal na Pamilya, sadyang tinabihan ni Nanang si Lola sabay bati ng isang “magandang umaga”. Nauna sila ng kalahating oras sa pagsisimula ng misa kaya kakaunti pa ang tao. Di tulad ng mga nagdaang pagsisimba niya.
“Natapos na naman ang isang taon,” sagot nito sa kanyang bati. “Salamat sa Diyos at nakakalakad pa.”
Sinamantala ni Nanang ang pagkausap sa kanya ni Lola. Talagang gusto niyang makilala ang matanda. Upang makatiyak na balikbayan nga ito ay itinanong niya kung saan nakatira. Sa likod lang naman pala ng simbahan ng Malhakan. Nagkuwentuhan sila. Kakilala ni Lola ang mga matatandang nakatira sa paligid na kakilala rin niya. Nagpakilala siyang dating taga-Langka. Kakilala pala nito ang kanyang yumaong ama. At ito si Lola Andeng.
Sa homilya ng misang iyon ay binasa ng pari ang sulat o tula ng isang magulang para sa anak. Ihinihingi ng pasensya nina Tatay,Nanay kanilang mga kakulitan, pagkamararamdamin, pagkamalilimutin, pagkakalat at iba pang sakit ng isa nang nag-uulyanin. Nabasa na ni Nanang ang naturang akda sa Senior Citizen Kolum ng “Punglo”, isang newsletter ng Bulakan. Maganda ang pagkakasulat pero iba pala ang dating kapag naririnig mong sa iyo binabasa. Marami ang nagpapahid ng mata habang nakikinig sa akda. Isa na si Lola Andeng na nang hindi na marahil mapigil ay mahigpit na kumapit sa kamay ni Nanang hanggang sa matapos ang homilya. Sa pagbabatian nila ng “sumaiyo ang Panginoon” ay niyakap siya nang mahigpit. Halos ayaw nang bumitiw. Matagal na siyang nakauwi ay halos dama pa niya ang kapit at yakap nito.
Sa unang misa para sa Bagong Taon ay hinanap ni Nanang si Lola Andeng. Wala. Napuyat marahil sa mga putukan, naisip niya. O sa ibang oras nagsimba.
Ang sumunod na Linggo ay huling pagsisimba na niya sa
imbahang yaong dinaluhan niya sa loob ng dalawampung taon at manaka-naka na lamang nang nakaraang labinlimang taon. Pabalik na siya sa Sydney. Hindi siya nakatiis na hindi tanungin ang isang babaing natatandaan niyang humahalik ng kamay kay Lola Andeng tuwing matatapos ang misa. Talaga palang wala na si Lola Andeng. Umuwi na ito noong Bagong Taon sa piling ng Panginoon.
Alam ni Nanang, babaunin niya ang alaala at damdamin nito sa loob ng mahabang panahon.
Enero 2008
Christmas Carolling
Pitong bata ang nagkatuwaang magkaroling sa kanilang mga kapitbahay. Bigay na bigay sa pagkanta. Masayang-masaya sa ibinibigay na pinilakan o ginintuang baryang may disenyong kalabaw, bulaklak, ibon, paru-paro, o puno ng niyog. May pahabol pa kung minsang dagdag kapag nakilala kung sino sila. Matapos tumapat sa isang bahay na kilala naman nila ang nakatira ay bigla silang nagkaripasan ng takbong pauwi at takot na takot. Sinagot sila ng kahol-aso ng isang nakamaskara ng gorilya. Nalaman nila sa kanilang magulang na ang mga nakatira pala roon ay hindi nagdiriwang ng Pasko.
Nagbinatilyo at nagdalagita ang mga batang iyon. Sumali rin sila sa karoling ng kanilang paaralan, kasama ng kanilang guro. Pinili ang kanilang aawitan. May paunang sulat kung ano ang kanilang layunin sa karoling at kailan. Ang proyekto ay bentilador para sa kanilang silid-aralang naglalaman ng mahigit animnapung (60) mag-aaral at higit pa ang bawat isa.
Mga tatay at nanay na ang mga batang iyon. May mga anak na rin silang kasinggulang nila nang sila ay nagkakaroling sa mga kapitbahay. Tumanggap sila ng isang krismas kard buhat sa isa nilang tito/tita o ninong/ninang. Ang kard ay reprodaksyon ng orihinal na guhit ng isa nilang kamag-aral sa haiskul limampung (50) taon na ang nakakaraan. Sila ngayong mga senior citizen ay namamasko. Para sa isang batang katulad ng nakaguhit sa kard.(Isang batang babae at lalaki, luma, tagpi-tagpi at marumi ang damit. Umaawit sa tapat ng isang bahay-kubong may maliliit na parol, maliliit na ilaw at nakabukas na bintana.) Ibig ng kanilang uncle/auntie o ninong/ninang na suportahan ang edukasyon ng batang iyon bilang ginintuang handog sa kanilang paaralang pinagtapusan limampung taon na ang nakakaraan.
MAPAYAPANG KAPASKUHAN SA LAHAT!
December 2007
Gunita Ni Senyang
Arsenia Santiago Ponciano
+October 10, 2007
Sa Treasurer’s Office ng Munisipyo ng Valenzuela (Bulacan pa noon), panahon ni Mayor Gerry Angeles, taong 1970 nang makilala at makasama ko si Senyang. Nito na lang reunion 2007 ko natuklasang kamiyembro ko pala siya ng MI Class ’62.
Isa ako sa mga unang guro nang buksan ang mga Barrio High School sa Valenzuela. Mula sa badyet ng munisipyo at may matrikula ang mga mag-aaral ang naturang mga paaralan. Kaya pagkaraan ng ilang taon ay tinaguriang MunicipalHigh School. Kaming mga guro ang tagasingil ng matrikula sa mga bata. Si Senyang ay isa sa mga tagatanggap ng pera sa munisipyo. Siya ang tanungan naming mga titser nang pabulong kung may suweldo na kaya kami. Kung nasaan na kaya ang payroll namin. Kung napirmahan na kaya o na-awdit na. At kung anu-ano pang may kaugnayan sa suweldo ng mga guro.
Mahina noon ang anim na buwan bago matapos ang papel sa opisyal na paghirang sa isang bagong guro. Hudyat para makasuweldo. Kung minsan naman hindi pa rin makasuweldo dahil kulang ang kuleksyon sa munisipyo para ipasuweldo sa mga guro. Paano ba naman, inuutang muna ng mga titser ang nasingil na matrikula sa istudyante bago ibigay sa munisipyo dahil nga sa atrasado ang suweldo kadalasan. Kani-kaniya tuloy dilihensya ang mga titser sa pamamagitan ng pagbibenta at pagpapautang sa mga kaguruan. Mga gamit sa pagpapaganda, damit, alahas, tocino, langgonisa, insurance, etc . . . (Kung sabagay, kahit na nang ayos na sa oras ang suweldo ay raket pa rin iyon ng ilan. Isa na si Ako.)
Hindi na kami nagkita ni Senyang nang malipat sa nationalgovernment ang municipal high school sa pag-upo ni Presidente Cory Aquino. Hindi na kasi ako nagpupunta sa munisipyo para sumuweldo. Hindi ko na rin siya naalalang ipagtanong nang sa paminsan-minsang pagpunta roon ay si Thelma Galicia, isang dating kaklase, ang bumulaga sa akin sa Treasurer’s Office ng Valenzuela, Metro-Manila (City na ngayon).
Nakakalungkot na sa pagkikita namin ni Senyang noong More Alive @ 45 Affair ay ibalita niyang nagke-chemotheraphy na siya at matagal nang umalis sa munisipyo ng Valenzuela. At lalong nakakalungkot na simula noong pagtitipong iyon ay pangatlo na siyang mahahanay sa 37 larawan (kasama nina Liberato Conferido at Jaime Alarilla) ng mga namayapang kamag-aral sa hulihang mga pahina ng souvenir program sa susunod na edisyon.<>
November 2007
Uwian Na
Nagbabagal. Naglalakwatsa pa. Walang pakialam sa naghihintay. Pinabili lang ng suka’y inabot na ng siyam-siyam. Paano’y nanghuhuli pa ng tutubi sa tabing-daan at namimitas ng mga bulaklak na ligaw.
“Toootoooy! Boooyeeeet! Umuwi na kayooo! Gabi naaa! Kakain naaa!”
Madalas na isinisigaw iyon ni Aleng Epang sa mga anak na wiling-wili sa pakikipaglaro ng trumpo, tumbang-preso, tatsing o kung anuman sa kapitbahay. At ang mga batang lalaki ay nag-uunaunahan nang umaakyat ng hagdan. Dahil kapag nasundan pa iyon ng pangalawang hiyaw ay iba nang usapan.
Ayaw pang umuwi. Buhat nang umalis ng Pinas si Simon noong 1985 ay hindi pa nagbabalik-bayan kahit minsan. Gayong pabalik-balik ang kanyang asawa at mga anak.
Sa mga mausisa, lagi niyang paliwanag, ”Hinihintay ko lang ang pensyon ko. Pag uwi ko, hindi na ako babalik dito. Uuwi na ako sa amin sa Sorsogon sa tabing-dagat. Araw-araw na lang akong magpi-fishing. Libre pa. Di paris dito, kailangan pa ng lisensya para mag-fishing. Matyempuhan ka ng Patrol na nakahuli ng maling sukat ng isda, may multa pa.”
Pero tanungin mo ang asawa n’ya. Ibubulong sa iyo ang sekreto.
“Takot ‘yang sumakay ng eroplano. Papunta nga rito, talagang maiiwan s’ya kung hindi s’ya sasakay.”
Nagmamadali. Kung ilang buwan nang ipinagtutulakang pauwi ng mga kaanak at kaibigan si Badong, aayaw pa. Napapabayaan daw kasi ang tatlong anak na iniwan. Ayaw nang mag-aral ang bunsong walong taong gulang. Nababakarda ang panganay. Wala naman siyang pirming pinagkakakitaan kundi samahan lamang at pagsilbihan ang asawang walang pahinga ng kakukudkod sa bahay ng mga mayayaman sa Eastern Suburb. Libong dolyar yata sa isang linggo ang katumbas noon.
Pero ngayon, nasasabik si Badong na makarating ng bahay. Naghihintay sa ospital ang naaksidenteng bunsong anak.
Oras na. Tapos na ang iyong misyon. Pinauuwi ka na ng iyong Godfather nang dala ang accomplishment report. At mabigat ang isa pang utos: Iuwi Mo Ang Puso Mo.
Ibig mong kabahan. Ano ba ang laman ng pusong ito?
October 2007
P a a n o ?
PAANO ba ang maging masaya sa gitna ng pagdurusa? Namnamin ba ang pait at isiping iyon ay matamis? Pakiramdaman ba ang kirot hanggang sa maging manhid? Mamaluktot nang mag-isa sa pangungulila?
KUNG anong kilabot ang unti-unting lumukob sa iyong katawan nang makarating sa bandang huling pahina ng libro. Tatlumpu’t walong larawan ng mga kababatang nasa idad labing-anim. Di tulad ng mga naunang pahina, ang mga larawan ay wala nang katabing larawan ng isang nasa gulang sisenta. Wala ang kanilang larawan pagkaraan ng 45 taon. Hindi na nila narating ang gayong idad. Limang taon pa, muling ililimbag ang kahawig na aklat na iyong tinutunghayan. Ilan pa kaya ang madaragdag sa 38? Gayong tatlong buwan pa lamang matapos ipamigay ang naturang aklat ay dalawa na ang madaragdag sa susunod na edisyon. At sa pakiramdam mo, baka isa ka na rin sa mga iyon.
ARAW-ARAW, maghapon at magdamag ang sakit ng iyong ulo, likod, balikat, bisig, at mga tuhod. Wala nang epekto ang sampung panadol na nauubos maghapon. Kung kailan natutulog saka lalong nararamdaman at tumitindi ang kirot. Hindi mo na kayang maligo sa sarili. Hindi na kayang magbihis ng damit mag-isa. Paano pa magagawa ang ngumiti nang hindi nakangiwi? Paano pamamanhirin ang sakit at kirot? Sa pamamagitan ba ng awit sa CD na pinatugtog nang nakaraan ninyong pagtitipon? Sa pamamagitan ba ng paulit-ulit na panunuod ng DVD ng naturang okasyon? Maiinit na batian makaraan ang maraming taon nang hindi pagkikita. Malulutong na halakhakan. Masisiglang kantahan, laro at sayawan. Mga bagay na kaya mo na lang panoorin; hindi na para salihan at gawin.
NANG una kang mamitas ng mansanas, nasa isip mong iyon ay bayabas. Nang minsan kang habulin ng ibong kookaburra, naalala mo nang habulin ka ng nabulabog mong bubuyog. Ang walang kadahun-dahong puno ng peach ay nagpapaalala ng kalbong puno ng sinigwelas na pagkaraan ng ilang buwan ay mga hitik na ng bunga. Nagugunita mo ang kulay-ubing bulaklak ng kakawati sa cherry blossom. Sa basang lupa matapos ang pag-ulang sinundan ng pagsikat ng araw, naghahanap ka ng mahuhuling paru-paro at tutubi sa parang. Naghahagilap ka ng matutuksong damong makahiya.
NAKAPANLULUMO ang dating ng ilang balita. Binaha ang palayan ng iyong kapatid. Nag-asawa nang hindi pa tapos sa pag-aaral ang pinag-aaral na pamangkin. Wasak ang bahay ng kapatid nang mabagsakan ng punong niyog sa pagdaan ng malakas na bagyo. Anim na buwan ang taning sa buhay ng kaibigang dalawampung taon mong nakasama sa trabaho. A. . .
SA isa-isang paglisan ng mga anak upang magpamilya ng kanila, lalong nag-uulol ang pangungulila. Gusto mo nang umuwi. Umuwi sa iyong tahanan. Sa iyong bayan.
SAAN nga ba ang iyong tahanan? Ang iyong bayan? Sino ang nakakapanabik uwian? Sino ang naiinip na naghihintay?
September 2007
TATLONG TIBOK NG PUSONG NAIWAN SA HAISKUL
Isang Pagbubulgar Ni SADISTA
Kinalburong damdamin sa Tatlong Poging pinormalin ni Mahinhin Naging Talipandas. Idinambana sa tanging altar ang Tatlong Pogi nang naka-pose Fernando Poe sa loob ng tatlong selyadong boteng kristal.
Sa kanilang Pogi1, Pogi2 at Pogi3, pasintabi at paumanhin ay aking hiling. Sana’y h’wag mangahas; ako ay sitahin. Baka lang mapahiya dahil aking aaminin. Amen. Amen. Amen .
Apatnapu’t limang taon! Opo, apatnapu’t limang taon kong itinago ang sekretong ito. Ipinagdiwang nang nag-iisa ang kapistahan nila sa pamamagitan ng mga watusi tuwing Biyernes Trese. Ito na ang kahuli-hulihang pista nila. Iniaalay ko ngayon ang tatlong kuwitis, tatlong bawang at tatlong molutob bomb. Sabay sa pagwasak ng kanilang altar!
Simula greyd wan ay meron na akong mga crushes. Basta rin lang sa paningin ko ay guwapo at nakapantalon, humahanga na ako. Nakakahiya. Noon. Pero sa nakita ko ngayon sa tatlong apo kong lalaki, nakakatuwa lang palang alalahanin habang sila ay inaalagaan. Nasa play school pa lang ay may girlfriend nang pinag-usapan. Ang isang nasa year 3 ay isinusumbong sa ina ang dalawang kaklaseng babaeng dikit nang dikit sa kanya sa party at nagagalit kapag hindi niya kinalaro. At kitang-kita ko ring ang isang tatlong taong gulang na batang babae ay nakatingin at pipikit-pikit sa apo kong pitong taon pa lamang. Ito namang isa, karga-karga pa lamang ng kanyang ama habang nakasakay sa elevator, nandukot na ng boobs ng katabing babaing nakakatukso ang cleavage. Nasa lahi ba ‘yan? Dahil itong lolo nila, ipinagmamalaking nandadakma na ng kaiskuwelang babae sa elementarya pa lang.
Si Pogi1 ay panlima ko sigurong naging crush. Bagong salta ako noon mula sa primaryang paaralan sa baryo. Nakaklase simula greyd five sa paaralang sentral sa Gasak hanggang first year sa MI. Katabi ko sa dalawahang desk sa unahan. Makinis siya. Laging bagong gupit at nakasapatos. Kumpara ba naman sa mga kaklase ko sa baryong pareho ko ring mga uhugin at nakabakya, sino ang hindi hahanga? Kahit bakasyon, tinatanaw ko siya at inaabangan sa pista ng baryo sa Punturin tuwing Mayo 1. Kung darating ba siya sa kanilang kamag-anak na kapitbahay ng aking Nana Bining na pinamimistahan ko rin.
Tumibok ang puso ko kay Pogi2 nang maalis ako sa seksyong magkaklase kami ni Pogi1 noong first year. Wala na akong karapatan sa seksyon A. Manunukso kasi itong si Mrs. Rosario B. de Guzman sa aming English. Napansin niya ang pagsinghal ko sa nakaupo sa aking likuran. Niyuyugyog ang aking upuan. Pogi naman pala ang nakaupo roon, Simula noon ay inaabangan ko na ang ginintuan niyang ngiti kahit nalipat na siya sa seksyon A nang sumunod na taon. Naiwan ako. Tinatanaw pa rin siya kahit saglit man lang sa naghahatid-sundo sa kanyang dyip. Baka kumislap ang ginintuan niyang ngiti.
Hindi ko matandaan ang insidenteng pumukaw sa akin kay Pogi3. Dahil kaya sa kulot n’yang buhok at matamis na ngiti o sa husay niya sa Geometry at Physics? Bobo ako sa mga subjects na iyan. Hindi maka-prove ng theorem sa Geometry at maka-solve ng problema sa Physics. Pinagbubulungan namin siya ng aking ka-Foursome sa bansag na Moby Dick. Bakit nga ba Moby Dick e balyena ‘yon? Naging laman ng ilang tula sa notebook na matagal ding nakatago bago nabura ng panahon. Buhay ang walang kamatayang ebidensya ng kamera ni Dandy noong winnie roasting. Nakalingon ako sa kanya. Kahiya talaga. . . Noon ‘yon!
Si Rizalina ay merong Juanito; si Cecilia ay isang Ricardo; kay Dolly si Liberato; kay Adelma si Eduardo; at marami pang Julieta at Cleopatrang may lihim na Romeo o Anthony. Bakit sa akin, kahit isang sulyap ng kjrat o duleng ay wala? Wala. . . walaaaa. . .
Sa halip na patuloy magngangawa, ako ay NAGWALA . . .Nag-enrol ako sa UK (University of Kalandian). Natuto ng pambobola ng lalaki at simpleng pagkirengkeng para makaakit ng ligaw. May maliit na notebook akong listahan ng detalye ng mga nabolang nagpapang-abot ng akyat sa giray naming bahay. Ang naturang notebook ay nasa altar ni Tatlong Pogi. Humahalakhak talaga ako sa galak. Tuwing matapos nilang magpahayag ng pag-ibig; kung totoo ngang pag-ibig iyon at hindi rin lang para ako mapasali sa kanilang listahan, kung meron man; ay walang pangingimi ko silang binabasted. Kahit malapit din sa loob ko ang ilan sa mga Mokong na ito.
Umabot sa 13 ang aking apostoles. Hanggang sa ang ikalabingtatlo, na isa rin palang mambobola, ay ako na ang nabola. Naging hamon daw ako at palaisipan kung bakit walang makapagpaibig. Samantalang siya, kahit hindi ligawan ang babae ay napapaibig niya. Kahinang mga manliligaw , sabi pa. Wala akong kamalay-malay na marami pala kaming iba-iba ang araw na pinupuntahan niya. Sige pa rin ang Judas kahit kung ilang ulit ko nang ibinagsak. Pagkaraan ng dalawang taong pakikipaglaro ng harangang-taga at taguang-pung, nasukol din ako. Nagpatulong ba naman ang Judas sa kanyang Santong Tiaga at Santong Bilis, ano pa ang magagawa ni Birheng Talipandas?
Sa paglipas ng mga taon, napakalaki na ba ng kasalanan ko sa itinakwil na 12 apostoles? Iniiwasan nilang makasalubong man lang ako ng tingin. Gayon na lang marahil ang paghihirap ng isa sa kanila nang tatlong oras sa isang linggo, sa loob ng isang semestre, ay hinarap ko siya nang naka-maternity dress pa. Kagagawan ni Judas. At ang aking Tatlong Pogi, kung bakit naman tuwing kakastiguhin ko si Judas, ay pasaglit-saglit na pumaparada sa aking mga bangungot. Hindi pa rin ako pinapansin. Kasi ba naman ay ikinulong ko nga sila sa mga boteng kristal.
Nang nakaraang More Alive @ 45 affair, nakapagsamantala ako sa aking Tatlong Pogi. Sa unang pagkakataon, nayakap ko sila’t nahalikan. Umm. . . hindi naman pala sila amoy lupa na. Pero malabo na ang ilang bakas ng naka-pose Fernando Poeng pinormalin ko. Sayang at hindi namin sila kasama nina Ching sa Manaog. Sana’y sabay-sabay ko silang pinakasalan sa kasal-kasalang ginawa ni Pastor Roy. Nasaksihan sana nitong Judas na sa tingin ko ngayon ay Richard Geere-ay. At baka sa unang pagkakataon ay nakuhang magselos.
Kung nakatugon kaya ng aking tibok ang frequency o channel ng isa kina Tatlong Pogi, nakarating kaya ako ng Australia? Hindi kaya sa Isabela, Bataan o America? Nagkaroon kaya ako ngayon ng apat na makukulit na apong nagpapabagal sa mabilis na paglalim ng kunot ko sa noo at pagdami ng pilak sa ulo ko? Ang kasama ko kaya, magtsunami man, magtornado o bumagyo ay itong Richard Geere-ay na walang pakialam sa mga kabalbalang isinusulat ko kung minsan? Hindi kasi binabasa. Ayaw malamang kasama na naman siya sa mga tsismis ko .
Ano kayo? Gising ako! Hindi pa lasing! Ale Luya. . . Ale Luya. . . ! Ngayong Biyernes Trese, Hulyo, Dos Mil Siete, Ale Luya. . . Ale Luya. . . ! Toast para sa huling pista ng Tatlong Pogi. . .ting. . . salabat po!
August 2007
“Tatlo Sila Sa Buhay Ko Noong Haiskul“
Pagtatapat ni Playboy
Mga binurong damdamin para sa tatlong musang pinormahan. Kunpesyon ito. Isa lamang sa mga aftershocks ng More Alive @ 45 class reunion affair ng isang haiskul Chicken Boy na naging Texas na Playboy. Ibahin ko lang daw ang pangalan para naman maproteksyunan ang kasalukuyang image niya.
Masusunod, Pare Ko.
Sa pagkakatanda ko talaga ay magka-sekyon kami ni Pare Ko sa B noong haiskul. Kasi’y palaging nakaumpok sa grupo namin. Napakatahimik nyang tao noon. Walang imik at wala ring kagimik-gimik. ‘Yon pala’y may iniispatan lang siyang dalawang kaseksyon ko kahit sila na ni Mel ang “mag-MU” noong third at fourth year kami: sina Ani at Lia. Pero nanliligaw din pala si Dandy kay Mel kaya nagdyak en poy na lang sila sa silong ng bahay nina Pastorkung para kanino si Mel. Panalo si Dandy. Subalit kahit nilayuan na niya sa Mel ay tinatakot pa rin siya ni Dandy. Lalo pa siyang natakot nang hanggang nasa UST na siya ay pinuntahan pa siya ni Dandy nang kalbo ang buhok.
Tinangka rin niyang umakyat ng ligaw kay Ani. Nasindak naman siya sa laki ng bahay ni Ani na meron pang guwardiya. Nang sandali ring iyon ay pinabalik na niya ang traysikel na sinasakyan. Sa pag urong ng buntot, hindi na niya itinuloy ang pag-akyat ng ligaw. Iisang pamantasan ang pinagtapusan nila ni Ani. Subalit kahit minsan ay hindi sila nagkita roon.
Kina Lia siya nakaakyat ng ligaw. Pinainom pa raw siya ng mainit na kapeng barako. Wala pa kasi noong Starbucks. Buti na lang daw at hindi siya nanghingi pa ng tinapay. Ang kaso naman ay may nagbalita sa kanyang may sinagot na ito. Atras na naman si Pare Ko. Nitong reunion ay nalaman niyang hindi naman pala iyon totoo.
Chicken! Ganyan ang sasabihin ng mga apo ko kapag narinig ang kwentong ito.
H’wag ka! Ang tatakbuhing Tandang ay naging mabalasik na Texas sa babae. Meron daw yatang tatlumpu ang kanyang niligawan. Sabay-sabay ang kanyang mga naging nobya. Merong mga naging magkaklase pa. May pagkakataong nagpalit siya ng subject dahil sa dalawa roon ay nagkasama at makakaklase pa niya. Nang magkabistuhan at magkakilanlan ang sabay-sabay niyang Alma, Lorna, Fe, atbp, sabay-sabay ring nangawala. May naging nobya pa siyang bold star kaya gayon na lamang ang galit ng kanyang ina. Muntik na raw s’yang palayasin kung hindi niya nilayuan si Yvonne.
Nanigas din yata ang leeg ng tandang sa paniningalang-pugad. Napuruhan ng tumbok ng nakasisilaw na liwanag. Pebrero 29, 1972 nang makilala niya ang misis niya ngayon. Kalagitnaan ng Marso ng taon ding iyon, inayos ang kanilang kasal. Buti nga!
Kahit nag-asawa na noon ng iba si Mel, hindi kay Dandy at hindi rin kay Carlo na asawa ni Lia ngayon, naaalala pa rin daw niya si Mel. Dahil marahil unang pag-ibig na isinatinig ng juke box sa restawrant ni Aling Pacing sa Kalbaryo. Nagasgas ang mga plaka ng awiting “Love and Devotion”, “In Despair”, “Bobby, Bobby, Bobby” tuwing magmimiryenda sila roon bago umuwi kung hapon. Bobby tuloy ang naging code name ni Pare Ko kay Mel para medyo sekreto. Iniyakan daw talaga niya nang mabalitaang sumakabilang-buhay na si Mel sa ibang bansa.
Si Ani ay nabiyuda na. Si Lia ay nakapag-asawa ng isa rin naming kaklase, si Carlo. Si Dandy ay nagpakamatay naman. At nitong 45th reunion ay naikuwento sa akin ng kaklase ring si Aura na siya ang naging dahilan ng pagpapatiwakal ni Dandy.
Minsang tanong sa sarili ni Pare Ko: “Ano kaya kung hindi ako nasindak ng malaking bahay ni Ani, naging Misis BJRD kaya siya ngayon? Kung hindi kaya ako naniwala agad na may nobyo na si Lia, naging Misis SDCRD kaya siya ngayon?”
“A, gumising ka na Pare Ko,” sabi ni Bernardo. “Nariyan ang iyong Linda sa tabi mo!”
July 2007
MGA BANGUNGOT SA HATINGGABI
(June 2007 Issue)
Nakita ko: Isang silid na kulay pula. Sa nakapinid na pinto, nakapila ang sampung (10) kataong ahit ang buhok. Nakabata ng puti. Naka-thong ang mamad na mga paa. Nakatitig sa kawalan ang singkit na mga mata. Nakasulat sa pinto ng pulang silid ang mga puting titik: “EXECUTION ROOM”. Sa tabi ng pulang silid ay may puting silid. May pinto itong lagusan mula sa pulang silid. Nakaabang sa pintung lagusan ang isang singkit na lalaking nakabata ng pula. Sa leeg ng lalaki ay nakaalampay ang stethoscope . Nakasabit sa kaliwang bisig ang isang bayong; samantalang sa kanang kamay ay nakataas ang isang panggapas ng palay.
Narinig ko: Bigla. Maikling igik ng isang babae. Sinundan ng kutingting ng wari’y maliliit na instrumento. Ng parang may ginugupit-gupit na kung ano. Ang pagtulo ng kung anong parang malapot na likido sa timba. Kasunod ng buntunghininga ng babae ang pagbuhos ng likido sa inodoro. At ang paglamon ng malakas na presyon ng tubig nito. Saka ang gabi ay pinayapa ng isang nakabibinging konsyerto. Konsyerto ng piping uha ng mga di pa naisisilang na sanggol.
Nadama ko: Malamig, mabini at malagkit na kalabit ng maliliit na mga daliri. Ang pag-agapay ng may-ari ng mga daliring yaon sa aking paglalakad. Merong nasa aking gawing kaliwa, kanan at likuran. Pakala-kalabit na mga daliri. Palahad-lahad na maliliit at malalagkit na mga munting palad. Sinasabayan nila ang bagal at bilis ng aking paglalakad. Papansinin ko ba sila? Hihintuan? Ipagtatabuyan o pagtatakbuhan?
Nalanghap ko: Mula sa hilaga ang hanging amihang may samyo ng nasusunog na damo buhat sa kabundukan. Galing naman sa timog ay singaw ng hinahalukay na basurahan. Sa silangan, ang usok ng mga tambutso ng sasakyan. At sa kanluran ang nakakapanghapdi ng sikmurang amoy ng ilog ng Meycauayan.
Natikman ko: Kasalo ng mga aninong walang larawan; sa hapag ng mesang-bangketa, ang pait na buhay. . .
Umuungol ako. Nagwawala. Pinipilit gisingin ang sarili. Nag-aapuhap na meron sanang manggising sa aking pagkakahimbing bago huminto ang hatinggabi.
KANILA ANG MAGDAMAG
(May 2007 Issue)
Habang ang karaminihan ay nahihimbing, sila ang ilan sa mga gising na gising. Sa saliw ng nakakabinging katahimikan, ingay ng musika o mga makina, o ng mabibining yabag at patak ng bawat segundo; ang kanila namang mga hikbi, daing, dalangin o pagmumura.
Walampu’t anim na taong gulang na si Lola Ake. Kailangang matutulog na siya bago mag-ikawalo ng gabi. Oras iyon na inaantok na siya sa panunuod ng TV. Kung palalampasin pa niya ang oras na iyon; hindi na siya makakatulog at maghapon nang masakit ang kanyang ulo. Ang tulog niya ay mga limang oras lang naman. Isa-isang nagsasalimbayan sa kanyang gunita ang panganay na anak at pamilya nito sa Canada. Ang sentimiyento de asukal sa mga anak na kasama sa Australia. Na dalawang buwan na siyang hindi dinadalaw at ipinapasyal. Na wala na kahit anong panahon sa kanya kundi puro na lamang sa kaamag-anak ng asawa. Ang paghihirap ng pamilya ng isang anak at mga apong naiwan sa Pilipinas. Pati mga naghihirap na kapitbahay, naiisip niya.Inaalala niya ang bukas na wala na naman siyang kasama sa buong maghapon. At ang papalapit na namang Taglamig. Mabuti pa ang Kumareng Conching niya. Nakapagdesisyon nang uuwi ng Pinas sa Hunyo. Wala nang balikan. Hindi na kaya ang Taglamig at ang palaging pag-iisa sa bahay kung araw. Sa Pilipinas, lumabas ka lang may makakausap ka na. Dito, paano ka makikipagkuwentuhan sa kapitbahay mong Intsik o Vietnamese o Sudanese o mga Puti; samantalang limitado ang inyong Ingles?
Sa kahabaan ng platporm ng istasyon ng tren sa Parramatta, iilan na lamang ang pasaherong nag-aabang sa madalang nang biyahe ng tren. Isang mukhang Indiang guwardiya ang pabalik-balik sa mabagal na paglalakad. Madalas ang tingin sa orasan. Binibilang ang natitira pang oras at mga minuto ng kanyang duty. Samantala, tinatanaw-tanaw niya ang isang mukhang Asyanong nagkukumahog sa pagwawalis at paglalampaso ng mga tulo sa rampa. Kailangan nitong matapos ang nakatokang linisin sa loob ng kung maaari ay wala pang apat na oras. Para naman makapahinga kahit ilang minuto bago lisanin ang pwesto. At upang hindi mainis at maalala ang apat na taong ipinag-aral sa kolehiyo ay ganito ngayon ang kanyang trabaho; inaaliw na lamang niya ang sarili. Sa bawat kahig ng walis o lampaso ay inuusal niya: “dolyar ito. . . dolyar ito. . .
Cleaner din si Anse pero sa loob ng StarCity. Walong oras. mula ika-10 ng gabi hanggang ika-6 ng umaga ang trabaho niya. Hawak ang walis at pandakot; paikot-ikot at walang tigil ang kawawalis kahit walang dumi. Nakatungo. Sa taas niyang 4”10” , mababangga mo kung hindi mapapansin. Naiidlip na yata siya habang nagwawalis at nagugulantang lamang sa manaka-nakang hiyaw at indayog ng nakaka-hipnotize na tugtog ng poker machine kapagnag-free spin; o kaya’y may mawalis na perang nalaglag buhat sa mga naglalarong sugarol. Sa loob-loob ni Anse, “Okey na put- ang- trabahong ito hanggang sa ako’y magretiro. Kaysa naman sa dating magpaligo at maghugas ng put-ang-puwet ng matatanda sa nursing home.”
Kung ang marami, pagdilat sa umaga ay nagpapasalamat dahil sa sila ay nagising mula sa mahimbing na pagtulog; marami rin ang nagpapasalamat kung sa isang magdamag ay nakatulog sila nang mahimbing.
Samantala; ilan naman kayang mga Maria, Juana, Petra, Juan, Pedro o Jose ang kulang ang magdamag sa harap ng computer habang nakikipag-tsat sa kanilang on line date?
KAMI NOON. . . HETO NGAYON
April 1 , 2007 Issue
“Hulaan mo, sino ako?” Eto, kilala mo ba ito?” ‘Sino ako? One, two three. . .”
Ano bang klaseng batian ‘yan? Mayroong nakapagbibigay ng tamang sagot kasunod ng mahigpit na kamayan o yakapan at halikan. Mayroong talagang hindi makasagot o mali ang sagot. Ano ba naman ang maasahan mo pagkaraan ng apatnapung taong (45) hindi pagkikita?
Karamihan ay mababakas pa rin ang larawan noong ang idad ay labing-anim (16). Mayroong ilan na talagang complete make-over. Hindi mo makikilala. Ang dahilan: kung hindi dahil sa makabagong cosmetic surgery dahil naman sa kasaganaan o kalupitan ng nagdaang mga taon. Ito ba ang sa idad na sisenta ang mga mukha na aming napala?
Sina Crispin at Conrado na mahahagway ang pangangatawan noon ang pinakadambuhala ngayon. Hamon ni Conrado kay Crispin, kailangan daw na mapanatili nila ang koronang iyon sa 50th reunion. Si Tony na mukhang kaylaki noon ay hindi na pala. Lumaki lamang siya nang pahalang hindi na pataas. Samantalang marami naman ang tumangkad pa, may ilan namang napanatili ang dating sukat.
Sa palikuran, ilang babae ang naghahagikgikan. “Napagsamantalahan ko ng halik at yakap ang crush ko noon.” “Napagsamantalahan naman ako ng yakap at halik ng nanligaw sa akin noon.” “Ako rin yata! Kayo lang ba?”
Hindi sila mga tin-edyer na parang kinikiliti. Mga sixty-edyer silang nagre-retouch ng make-up bago magsimula ang programa ng 45th reunion.
Tanong ng isa, “May ma-revive kaya ngayon? Lalo na ‘yong mga biyudo at biyuda na o hiwalay sa asawa? At . . . kahit marami nang apo!”
Kontra ng isa, “ Ang mga crushes naman palang ‘yon e tatagal lang hangga’t hindi pa sila kutis ampalaya. O malalaki na ang t’yan at bilbil. O mapuputi na ang buhok. O kaya’y hindi pa sila nagiging mukhang obispo.”
Ang pinakamasayang programa ay sa Manaog, Pangasinan. Iyon ay sa kumbida ni Ching sa isang tanghalian sa kanyang biyenan at tuloy pilgrimage sa Our Lady of Manaog. Pabalik nang talaga sina Hermie at Nina dahil naiwan ng tatlong van. Pero bumalik ang kanilang kotse dahil kay Rev Roy. Kaya pala, may mahalagag misyon ang reverend.
Sa kubo sa hardin at sa silong ng bahay ng biyenan ni Ching naganap ang bistuhan, aminan at bulgaran ng mga high school sweethearts at crushes ng mga naroroon. Kahit na nga kaharap pa ang asawa, wala silang pakialam o kahihiyan. Ipinagkakasal (kasal-kasalang ang kuntrata ay isang araw) ni Rev Roy ang mga magkakapareha . Pati ang kanyang sarili ay ikinasal n’ya . Tawanan habang hindi makakibo at namumula ang mga biktima.
At sa nakabiting “I now pronounce you . . .”, ni Rev Roy, sigaw ng isang saksi, “Guilty!”
Ayaw na raw niyang maging comedian dahil sa siya ay pinagtatawanan. Kaya nang pagkakataong yaon, ginampanan na lang niya ang tunay niyang papel na pagka-pastor.
Noong 1987 Silver Jubilee, sinabi ni Miss Teodora Belza sa kanyang pagbati na may tatlong katangiang (3T) taglay ng mga organizers ng reunion. Ang mga iyon diumano ay Talent, Time, and Treasure.
Nitong ika-45th na taon maidaragdag na marami sa 136 (mula sa 181 na nabubuhay pang magkakaeskuwela) na organizers, nakilahok at dumalo sa matagumpay at masayang pagdiriwang ay may itinatagong 3K NOON . Kami yaong magagaling sa kabisa-han, kopya-han o ka-harut-an.
Mga Larawan
(March 2, 2007)
Isang batang babaing apat na taong gulang ang akbay ng isang dalagitang labing-apat na taon ang nasa larawan. Nasa likuran nila ang dalawang palapag na taas ng ginayang EiffelTower. Ang larawan ay kuha ni Dandy kinabukasan ng gabi ng koronasyon ng Miss Meycauayan Insitute 1961. Ipinakita ni Ate kay Bunso ang bakas ng ganda ng MI nang nagdaang gabi. Sa buhay ni Bunso, ito ang kauna-unahang larawan niya. Nasundan iyon ng isa pang larawan sa labas ng Phil-Am Life Building sa UN Ave matapos nilang nanood ng isang art exhibition. Madalas kasing kasama ni Ate si Bunso sa mga lakaran.
Pagkaraan ng 36 na taon, larawan naman ni Ate at ni Bunso sa harapan ng tunay na Eiffel Tower sa Paris. Si Ate na ang karay-karay ni Bunso sa mga bansa ng Europa tulad ng Belgium, Switzerland, England, Italy, at France. Mahirap nang tukuyin sa mga larawan nila dito kung sino na si Ate at sino na si Bunso.
Ngayong sila ay singkuwenta na at sisenta, si Ate ang mukha nang si Bunso at si Bunso ang si Ate sa mga larawan. Dahil kaya iyon sa sobrang lamig ng Europa? Sa trabahong madalas ang sakay sa eroplano? O sa labis na paninigarilyo?
Pangako nila sa isa’t isa: “Mga limang taon na lang o wala pa, pareho na tayong uuwi ng Pinas para muling mag-akayan.”
* * * * *
Tatlong larawan ng mga batang pare-parehong tatlong taon. Iisa ang itsura. Tatlo silang henerasyon ng mga babae sa iisang pamilya: sina Julia, Liza at Aida.
Nang unang nakita ni Liza ang larawang iyon ni Julia, siya raw iyon. Nang unang makita ni Aida ang larawan ni Julia, mommy raw niya iyon at ang larawan ni Liza ay siya raw iyon.
“Tumingin ka sa aking mabuti, Aida”, utos ni Julia. “Pagtanda mo, ganyan ang itsura mo.”
Tigas na kaiiling ng bata.
“E, sino ang gusto mo?” tanong ni Julia.
“Kamukha ni Mommy ko.”
Sino nga ba naman ang hindi mag-iiiling? Si Mommy ay kutis porselana samantalang si Lola ay kutis ampalaya.
Panakot tuloy ng lola sa apo kapag nag-iiiyak o ayaw kumain o matulog sa tanghali. “Tumingin ka sa aking mabuti”. Susunod na ang bata sa ipinagagawa. Dahil alam na nito ang kasunod na sasabihin ng lola. “Magiging kamukha kita pag tanda mo.”
* * * * *
Ayon sa isang manunulat: Ang mukha raw ng tao sa idad na dalawampu ay ang mukhang bigay ni Diyos. Sa idad na apatnapu, ang mukhang nilikha mo para sa iyong sarili. Sa idad na sisenta, iyan ang mukha na iyong napala.
Ano Kaya Ang Dahilan?
January 29, 2007
Puspusan ang kilos ng mga organizer. Walang pangiling araw o oras ang hindi sila naglalakad mahanap lamang ang mga dating kamag-aral. Mabigyan ng imbitasyon at mahikayat na dumalo sa kanilang gagawing pagtitipun-tipon.
E-mail ni Cynthia, dagdagan daw namin ang panalangin na sana ay mahanap nila ang nawawala pang mga dating kaiskwela. Na sana ay maging matagumpay ang reunion. Noong 25th reunion, talaga namang ginalugad namin ang mga nayong hindi namin dating nararating. Tulad ng Prenza, Lambakin, at Loma de Gato sa Marilao; Bignay at Lawangbato ng Valenzuela. Ngayon, dalawa lang kami rito ni Lilia sa Sydney. Hindi na kailangang maghanapan dahil madalas kaming magkita at magkausap sa telepono. Sa kalawakan ng America, meron yata silang 20 roong naghahanapan pa.
Dalawang linggo lamang ang kailangang ilagi ni Lilia sa Pinas. Tuwing ikalawang linggo kasi ang report niya sa kanyang doktor. Unang linggo ng Marso ay naghihintay na sa kanya ang operating table para sa kanyang balikat at mga tuhod. Alam niya, pagkaraan ng mga operasyong iyon ay mga limang taon na siyang nakabilanggo muna sa wheelchair. Ako, sa takot sa mga babalang posibleng side effects ng pagtatanggal ng katarata sa mata, ipinagpaliban ko na rin iyon sa Marso. Para naman ma-enjoy ang buong Pebrero.
Hindi lang naman basta sa sosyalan lang nakatuon ang pagtitipon. May proyektong matulungan ang mga nangailangan at nasa kagipitang dating kamag-aral. Gayundin, umaaligid ang ilang tanong na naghahanap ng tugon, kung meron man. Ito bang tulong o regalong ito ay minsanan lang na parang pamatid-uhaw? Kung ito man ay tuluy-tuloy na pagbabahagi ng mga biyayang natatamo at tinamo, limitado ba ito para sa grupo ng 1962? Paano na ang iba pang MC alumini at kaanak nito? Kasali rin ba sila sa biyaya? Ang mga institusyong pinalalakad ng ibang MC alumni tulad ni Fr. KC ng class 1968 na siyang namamahala sa Immaus House of Apostolate sa Malolos? Ito ay ampunan ng may 80 napulot na matandang walang kamag-anak. Mga may sakit na matatandang naghihintay na lamang ng kanilang pagsilang sa buhay na walang hanggan. Hindi kaya pwede rin silang bahaginan?
Kung tuluy-tuloy ang daloy ng mga sobre, ano ang biyayang maaaring ibahagi ng mga walang panlagay sa sobre na gustong makatulong din? Maaaring ang kanilang biyayang tinatamasa ay hindi kayang tumbasan ng inilalagay sa sobre. Meron silang lakas, talino at panahon para sa gayong mga gawain.
Ang MC alumni ay nagkalat sa mundo, hindi kaya maganda ring magkaroon ng Overseas MC Alumni Association (OMCAA) base sa kung saang bansa sila naroon?
Para sa ilang makakadadalo, maaaring ito na ang una at huling pagkikita pagkaraan ng 45 taon. Sa iba, maaaring ito ang simula upang dugtungan ang naputol na 45 taon; karugtong ng nalalabi pang malabo nang isa pa uling 45 taon. Para sa nakakarami, ito ay isang pagbabalik-tanaw sa lumipas na panahong malaki ang naging bahagi sa paghubog ng kung ano sila ngayon.
Sa mga hindi makakadalo o ayaw dumalo, tiyak na mabigat ang dahilan na dapat unawain. May higit na mahalagang bagay na kailangang unahin at harapin. Sa magbibigay-aliw na 3G’s (Gossip, Giggles, Gluttony) sa mga dadalo; maililigtas sila sa sakit ng tiyang bigay ni G2 at G3. Pero malabong hindi maging biktima ni G1. Sige, kayo rin. . .Magpapawala pa naman sana kami ni Lilia ng mga koalang nakayakap sa A$.
Sa mga dadalo; sa magpipilit gumawa ng paraang makadalo; simple lang naman ang dahilan: mapagbigyan ang bulong at tawag ng sariling damdamin at/o kaisipan.
Banaag ng Pakulo
(January 1, 2007)
Ang pananabik ng mga dating magkakamag-aral na ngayon ay nasa idad 60 sa 45th class reunion ay parang pananabik nila sa graduation noong sila ay 16.
May pinapraktis daw sila kung Sabado, e-mail ni Cynthia. Ano kaya ang mga iyon? Sayaw marahil. Si Cynthia ay ballerina ng paaralan noon. Ano kaya? Regudon de honor o rock n roll o bogue-bogue ng mga nirarayuma nang balakang at tuhod?.
Text naman nina Luisa at Edna , sana raw ay kasali ako sa praktis nila. Ang saya-saya raw. Ayaw tanggapin ni Luisa ang text ko na may ihinahanda yata silang pasiklab. Pakulo lang daw. Ano kaya itong mga pakulong ito?
Sa sayaw na pinapraktis nila sinasagot daw nina Ernesto at Herminio ang papel ni Bernardino. (Ernesto? Pinilit ko raw siyang sumayaw noong 25th reunion. Sana naman ay hindi siya napipilitan lamang ngayon.) Sana rin ay may pahintulot ng doktor ang mga kasali. May nabalitaan kasi kami buhat sa isang galing ng San Fernando, Pampanga. Habang nagpapraktis daw ng regudon para sa 50th reunion ay may isang kasaling bumagsak sa lupa. Napasama tuloy sa kanilang programa ang hindi inaasahang paghahatid sa naturang nilikha sa ilalim ng lupa.
Kantahan? Nasa tabi-tabi lang doon si Rosalina. Pero baka wala na ang gitarista niya noong kapatid ni Carding ng Reycard Duet. Kasama kaya nya ang manugang na isa sa sumikat na grupong Toto’s Kid ?
Ang pantomime kaya ng Bedouine Song nina Trinidad at Bernardino? Pwede pa rin siguro nilang ulitin. Kahit na nasa magkaibayong panig ng daigdig sila ngayon nakatira. Kahit konting praktis lang at recall ng dialogo, okey na.
Drama? A, mahirap na talagang praktisin ‘yan nang hindi sa tradisyonal pa ring paraan tulad ng sayaw. Nasaan na nga kaya si Rebecca na siyang Best Actress noon?
Kainan? A, maasahan ang El BulakenyoRestaurant ni Oneng sa bagay na iyan. Walang dapat ipangamba. Alam niya ang problema ng mga may tumataas na asukal, kolesterol at presyon.
Kulang ang isang gabing pagtitipon. Dapat lang na may kasunod pang lakaran. Masulit naman ang panahon at tiket sa eroplano ng mga mag-uuwian dahil sa reunion. (Hindi naman siguro ekskarsyon sa Balara, ano?) May pauna nang imbitasyon sina Josefina at Patricio sa Cabanatuan at Pangasinan. Hwag kalimutan ang kamera. Digital camera para sa mga hindi na maka-pokus na mata.
Noon, gusto ko ring kumanta. Bumibili pa nga ako ng songhits. Ang kaso ayaw sa akin ng kanta. Sintunado raw ako. Hinarap ko na lang pagpili ng mga pangalan sa Wanted Pen-Pal. At ito ang kinawilihan ko. (Naalala ko noon si Jaime na nagsulat sa mga perang papel ng wanted penpal. Ginamit niyang pangalan ay Jaimelita. May sumagot naman.)Gusto ko ring sumayaw kahit parehong kaliwa ang aking mga paa. Ang kaso, kahit sa cotillon sa JS Prom ay hindi ako nakasali dahil walang isusuot. Sa pag-arte, mahiyain at nerbiyoso ako dyan. Tagapanuod na lang at tagapalakpak. Pero ‘yang mga field trip at excursion, talagang iniiyakan ko kapag ayaw payagang makasama.
Ngayon, pagkaraan ng mga taon, hinahamon ko kayo sa mga itinago at pinasibol na kakayahan ko. Pagkanta: ipapasa ko lang ang mikropono kay Winelma para sa kanyang di ko malimutang “Little Things Mean a Lot”. Pagsayaw: Kayang-kaya, kahit mag-isa sa gitna ng bulwagan. Basta tangan ng mapagmahal kong bisig at mga kamay ang isang sanggol na nagpapalahaw. Jokes: Pwede rin akong sitdown comedian with green-orange-red corny jokes na maaaring pumutok nang hindi inaasahan. Nang wala sa lugar. Kainan: Makikita nyo kung gaano ako katakaw. Tuksuhin ako ng mga babae kaya dapat ang kaharap ko lang ay mga lalaki: alimango o alimasag o talangka con burong mangga o manibalang kaya. At salamat din sa sinigwelas o duhat at buko ng niyog kahit walang yelo.
Pwede nyo nang ipagkait ang lahat o alinman sa mga nabanggit sa itaas; hwag lang sa lakaran kahit saan basta walang iwanan. At kung inyong pahihintulutan; kakarayin ko itong indispensable-lifetime-kalimuterong-Richard Geereay kong kaabay. Dahil kapag aking iniwan, baka pati ako ay makalimutan.
Mga Mugmog ng Buhay
ni julita punzalan cayanan (
Kami ito : Meycauayan Institute Class 1962 Class Reunion & Homecoming February 24, 2007 4:00 PM - whenever Meycauayan Institute old campus (now Meycauayan College) Meycauayan, Bulacan
Sino kaya ang hindi mananabik (o mahihindik) sa pagdating ng araw na iyon sa aming magkakamag-aral? Ano na kaya ang itsura ng mga crushes ko noon? Ng aming mga naging beauty queens na sina Trinidad, Josefina, Remedios, Cynthia? Ng mga kamag-aral na pagkatapos ng graduation ay hindi ko na nakita?
Malalaking bilbil o malalalim na wrinkles? Makikintab na tuktok o mapupuputing buhok na malalaki ang tiyan? Makakapamili pa naman sila ayon sa disisyon ng kanilang bulsa. Ano ang ginagawa ng hair colour, wig, botox, lipposuction, cosmetic surgery at aloe vera?
Sa mga survivors pa ng 202 na graduates noon, congratulations sa atin dahil 47 na raw ang lubusan nang naka-graduate sa buhay. Mayroong ilan na trying hard sa kanilang mga re-exams na mabigyan pa ng mahabang extension na makadalo man lamang sa naturang reunion. Para sa marami-rami na ring mga biyudo at biyuda, magandang pagkakataon ito para magkadaupang-palad at magkatulungan sa (ehem) mabilisang paghihilom ng mga naiwang sugat ng karanasan. Pasensyahan na lang din kung sa paghaharap-harap ay may mga nakalimot kung saan naiwan ang salamin sa mata kaya hindi na makakilala o nakalimutang magsuot ng hearing aid kaya hindi ka maintindihan. Huwag naman sanang meron nang nakakalimot magsara ng zipper.
Tunay ngang high school days ay totoong kay saya, awit ni Sharon Cuneta. Nakatanim sa alaala lalo pa’t palaging binabalik-balikan ng gunita, sabi ko.
Ngayong uso na naman ang stilleto heels na sapatos sa mga babae ay para ko pang naririnig ang paglalakad sa corridor ng English teacher naming si Miss Roberto. Marami akong natutuhan sa kanya sa grammar pero hindi masagot ang mga tanong niya sa literature dahil wala akong libro para basahin ang assignment. Sa laki naman marahil ng takot ko noon kay Mrs Rosales dahil hindi ko talaga maintindihan ang Geometry kaya naging mathematics teacher si Ako. Minamani ko noon ang Pilipino kina Miss Nieves Cruz at Miss Teodora Belza. Iyang Florante at Laura, Noli Me Tangere at El Filibusterismo, anhin ko na yatang pakyawin ko ang recitation. Third year kami nang mainggit ako kay Luisa nang makapagpalathala siya ng kanyang akda sa Pitak ng Kababaihan sa isang diyaryo. Nakigaya naman akong magpadala rin ng akda. At iyon na ang simula. Si Winelma ang unang naging tagamakinilya ko ng mga unang pagtatangkang makapagpalathala sa Liwayway na lagi namang rejected.
Naalala n’yo pa ba ang pagpila natin noon kay Mrs Valencia para humingi ng promissory note dahil exam na ay hindi pa tayo bayad sa buwanang matrikulang anim na piso? Ang umpukan natin sa kantina ng litratistang si Dandy kung tanghalian? Nakalamang ako sa inyo noon dahil ang mga litrato ninyong ayaw tubusin kay Dandy ay nahingi ko sa kanya nang libre nang malapit na ang graduation. Ang kuwarto sa tabi ng library kung tanghali na piping saksi sa pamumuno ni Jaime ng mga kuwentuhang bastos? Ang torch parade, ang pagtutuhog ng iihawing barbecue kina Aurora sa winnie roasting, ang pagliban sa klase makapanood lamang sa unang pagkakataon ng tv kina Emilia sa palabas ni Neil Sedaka?
Popular na propesyong ginusto natin noon ang maging doktor, nars, accountant engineer at titser. Muli akong nainggit . . .sa inyo. . . sa kanila. Dahil kami nina Rogelio, Romeo, Luisa at Oneng ay muling naging magkaiskuwela sa pabrika, sa Eastern Textile Mills. Naging foreman ko pa nga si Rogelio.
Isang patunay kung gaano kamahal sa akin ang MI: Tatlo sa apat kong anak na babae ang nag-aral dito. Ang isa ay nawalan ng pagkakataon dahil limang araw lamang nabuhay. Kung pwede nga lamang na ang apat kong apo at mga darating pang apo ay pag-aaralin ko rin diyan, gagawin ko dahil may elementary na rin ngayon ang MI o MC pala. Ang una kong inaplayan sa pagtuturo ay MI. Hindi ako tinanggap ni Mrs Valencia . Dahil AB ang tinapos ko ay hindi raw naman talaga gusto kong magturo. Tama siya, gusto ko talaga ang maging journalist pero wala akong panahong magbabasa, maglibrary, at magsusulat dahil working student ako kaya mathematics na lang. Makinig ka lang sa titser at gumawa ng homework , ayos na. Madalang pa ang kumukuha. Magugulat ko si Mrs Rosales kung natatandaan pa niyang hindi ako maka-prove ng theorem sa geometry. Gusto kong magturo pero sa college. Nang magbukas ang MI ng college noong 1977, si Mrs Valencia rin ang tumanggap sa akin kasama ng ilang partime instructors. At marami ang iba-iba kong naging pakiramdam. Maging co-teacher ko ba naman ang ilang naging guro. May naging istudyante akong kaklase natin, asawa ng isang kaklase natin at isang dating suitor.
Kayong mga kaklase ko, inaasahan kong muli kayong makikita at kahit sa araw man lamang na iyon ay makasama. Sumpaan namin dito ni Lilia sa Australia na kami ay uuwi ng Pinas in mind, body and/or soul para sa araw na iyon ng ating reunion.